Home OPINION BODY CAMS PARA SA AIRPORT INSPECTORS

BODY CAMS PARA SA AIRPORT INSPECTORS

KASUNOD ng mga eskandalong kinasangkutan ng airport security officers sa nakalipas na mga linggo, mayroong inisyatibo ang pinuno ng Bureau of Immigration, si Commissioner Norman Tansingco, inianunsiyong bibili ang kawanihan ng  body cameras na kayang magsagawa ng livestreaming.

Ang ideya ni Tansingco na kabitan ng body cameras ang mga secondary immigration inspector ay isang matapang na hakbangin pabor sa transparency at pagkakaroon ng pananagutan, na ‘saktong napapanahon naman talaga. Ang body cameras na ito ay hindi lamang magbibigay-proteksiyon sa mga bumibiyahe kundi sisiguruhin ding ang ginagawa ng mga immigration officer ay saklaw pa rin ng mga umiiral na batas.

Isa itong mainam na hakbangin upang mapatino maging ang mga pasaway na guwardiya ng Office of Transport Security para magdalawang-isip o marahil mag-alinlangan nang ilang beses, bago lunukin ang  ninakaw na dollar bills o mang-umit ng mahahalagang bagay mula sa bagahe ng mga pasahero.

Kudos, Comm. Tansingco, nagtataka lang ako kung ang P16 milyon na ilalaan para sa mga body cameras ay aktuwal na gagastusin sa lahat ng equipment na ito. Mas mabuti sigurong mag-canvass ang inyong tanggapan ng mas maayos na presyuhan.

Kay Abby ang last say

Patuloy na namamayagpag ang Binay legacy sa Makati City sa inilalarawan ng ilan bilang walang katapusang problema at kontrobersiya.

Binanggit ko lamang ito dulot ng pagkadismaya sa pagkakabalam ng mga serbisyo ng gobyerno dahil lamang hindi maresolba ng Makati at Taguig ang kanilang mga hindi pinagkakasunduan.

Natural lamang na gustong ipatigil ni Makati Mayor Abby Binay ang pag-angkin ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa pinag-aagawan nilang mga barangay, umapela ng “status quo ante” order mula sa regional trial court ng Taguig City. Pero mismong Korte Suprema na nga ang nagbigay ng pinal na desisyon sa usapin noong Abril, hindi ba? Malinaw na hindi pa, dahil pinagtatalunan pa rin nila kung sino ang may kontrol sa ganito at ganyan, at kung aling pamahalaang lokal ang magbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mamamayan, gaya halimbawa sa eskuwelahan, health centers, at iba pa.

Ang mga residente at mga estudyante sa nasa 10 EMBO (Enlisted Men’s Barrio) ang naiipit ngayon sa bureaucratic tug-of-war na ito. Ang pasya ng Kataas-taasang Hukuman na ang mga lugar na ito ay nasasaklawan ng Taguig ay dapat na nagbigay-tuldok na sa usapin. Pero sa halip, mukhang mauuwi ang lahat sa walang katapusang labanang ligal.

Sa FINEX Conference kamakailan, sinabi ni Mayor Abby sa mga mamamahayag na isang bagong “mass transport system” ang ikinakasa para sa Makati katuwang ang Philippine Infradev Holdings, Inc., ang parehong project proponent ng 10-istasyong subway link na babaybay sa siyudad, kabilang na ang mga barangay sa EMBO.

At akalain n’yo, binanggit ni Binay na bagama’t pinaplano na ang bagong transport system, nabalahaw naman ang subway project, na sinimulan na ang konstruksiyon, pero walang plano na isama rito ang Taguig. Ako lang ba o ang dating ng sinabi niya ay may anggulo ng territorial power play?

Political spin

Ang depensa ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte tungkol sa confidential funds ay paulit-ulit nang nakabubuwisit. Ang kahandaan niyang gawin ang lahat upang igiit na ang paglulustay niya ng milyon-milyong pisong halaga ng sekretong pondo ay ang pundasyon ng epektibo niyang pamamahala sa dalawa niyang opisina.

Ang kanyang political spin sa isyu ay nagmula sa pagiging lihis sa katwiran na ngayon ay katawa-tawa na, nang paratangan niya ang kanyang mga kritiko sa pagkakaroon ng “insidious motivations.” Binalewala niya ang mga pagkuwestiyon sa kanya at sa halip ay pinalalabas na ang kanyang mga kritiko ay mga banta sa pambansang seguridad dahil daw sa pagiging hindi makabayan, at ang mga pagdududa at pamumuna ay gusto niyang ituring na ‘sedition’.

Interesado ang publiko sa transparency, Madam VP. At ang hilingin iyon sa iyo, gaya nang ginawa ng advocacy groups, ay hindi paglapastangan sa bayan, kundi pagiging isang responsableng mamamayan.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articleGLOBAL WARMING MAY EPEKTO SA PAGBUBUNTIS
Next articleByaheng Pinas-Israel sinuspinde; 7 Pinoy nawawala