Home NATIONWIDE Bong Go: Food security dapat tutukan ng DA

Bong Go: Food security dapat tutukan ng DA

MANILA, Philippines- Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go, miyembro ng Senate committee on agriculture at vice chair ng Senate committee on finance, ang Department of Agriculture (DA) na palakasin ang pagsuporta sa mga manggagawang pang-agrikultura para matiyak ang seguridad sa pagkain sa bansa.

Tiniyak ng senador na suportado niya ang DA gayundin ang iminungkahing badyet at mga programa nito para sa susunod na taon.

Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng survey kamakailan ng Pulse Asia ukol sa tulong sa mga magsasaka, pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa, at pagsugpo sa kahirapan bilang mga kagyat na pambansang isyu.

Sinabi ng senador na naniniwala siya kung mapopondohan ng maayos ang DA ay mapapalakas ang seguridad sa pagkain at mapabubuti ang buhay ng mga manggagawa sa agrikultura.

Kaya naman idiniin ni Go ang kanyang suporta panbukalang budget ng agriculture department sa pagdinig ng Senate finance sub-committee na pinangunahan ni Senator Cynthia Villar.

“Dapat po ay masaya ang ating mga farmers, dapat po sa pagtitinda nila ng kanilang mga produkto ay dapat po (may) sapat na kita (sila). Kapag hindi masaya ang ating farmers, marami pong maaapektuhan, marami pong maghihirap. Government intervention (ang dapat palakasin),” sabi ni Go.

Binigyang-diin ni Go na gulugod ng supply ng pagkain sa bansa ang mga dedikadong manggagawang pang-agrikultura kaya dapat na mabigyan sila ng sapat na suporta at resources.

Si Go ay isa sa mga may-akda ng Republic Act No. 11901 na nagpalawak ng balangkas sa pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad sa kanayunan.

Co-sponsor at co-author din siya sa isang panukala na kalaunan ay naging RA 11953, mas kilala bilang New Agrarian Emancipation Act.

Bukod dito, ipinakilala rin ni Go ang Senate Bill No. (SBN) 2117 na naglalayong mabigyan ng komprehensibong crop insurance coverage ang agrarian reform beneficiaries.

Inihain din niya ang SBN 2118 na magpapahusay sa saklaw ng insurance at mga serbisyo para sa mga magsasaka. Makatutulong ito para mabawasan ang epekto ng mga natural na kalamidad sa sektor ng agrikultura sakaling maging ganap itong batas.

“Sa lahat ng ito, ang importante ay sikapin nating walang magutom na Pilipino,” ani Go.

Higit pa rito, sinuportahan ni Go ang mga hakbang na gawing agricultural zone ang mga hindi nagagamit na lupain ng pamahalaan upang isulong ang produksyon ng pagkain sa loob ng bansa. RNT

Previous articleKamara ‘di naglaan ng confidential funds para sa OVP, DepEd, DICT, DFA, DA
Next articlePinas may 1,264 bagong COVID-19 cases noong Oct. 2-8, 2023