Home NATIONWIDE Bong Go: Giyera vs lumolobong kaso ng TB paigtingin

Bong Go: Giyera vs lumolobong kaso ng TB paigtingin

MANILA, Philippines – Matapos tulungan ang mga biktima ng sunog sa Quezon City, nagpahayag ng pagkabahala si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa paglobo ng mga impeksyon sa tuberculosis (TB) sa buong bansa.

Sinabi ni Go na ang TB ay isang kondisyong nagagamot kung maagang masusuri at tamang gamutan kaya binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mabilis na interbensyon upang mabisa itong mapangasiwaan.

Isiniwalat ni Go ang pagtaas kamakailan ng badyet para sa TB Program ng Department of Health (DOH) na mula sa P1.97 bilyon noong 2023 ay naging P2.56 bilyon ngayong 2024.

Dahil dito, hinimok ni Go ang DOH na ganap na ipatupad ang mga probisyon ng Republic Act No. 10767, kilala rin bilang Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act.

“‘Yung batas na ito ay nakatutok po sa… Proper implementation, ‘yun po ang importante dito,” ipinunto ni Go.

Aniya, iniuutos ng batas ang paglikha ng isang Comprehensive Philippine Plan of Action to Eliminate Tuberculosis sa pakikipagtulungan sa mga kaugnay na pampubliko at pribadong entidad.

Binabalangkas ng plano ang mga target at estratehiya ng bansa para sa pagkontrol sa TB, kabilang ang pag-iwas, pagsusuri, paggamot, pangangalaga, suporta, at pagbuo ng mga naaangkop na teknolohiya para sa pamamahala ng sakit. Binibigyang-diin din nito ang pagtatatag ng mga pakikipagtulungan para sa edukasyon, adbokasiya, pananaliksik, at tulong sa pagpopondo.

Idiniin ang mahalagang papel ng wastong pagpapatupad ng programa, iginiit din ni Go ang pangangailangan para sa isang matatag na pagsusuri at sistema ng pagsubaybay upang masugpo ang TB.

“Importante talaga dito yung review and monitoring system to gather data and monitor the progress made in eliminating tuberculosis. Marami pong paraan basta proper implementation lang po ng programa,” anang senador.

Sa datos kamakailan na inilabas ni Health Secretary Teodoro Herbosa, ipinakita ang nakababahalang pagtaas ng kaso ng TB sa nakaraang taon.

Ayon kay Herbosa, noong Disyembre 31, 2023, nakapagtala ang Pilipinas ng 612,534 bagong kaso ng TB o humigit-kumulang 549 kaso sa bawat 100,000 populasyon.

Gayunman sa isang positibong tala, nakamit ng Pilipinas ang makabuluhang pagpapataas ng pandaigdigang kamalayan tungkol sa TB sa pamamagitan ng pagsira sa world record ng India para sa “largest human lung formation” sa pagdiriwang ng World TB Day.

Samantala, para sa mga nangangailangan ng tulong medikal, binigyang-diin ni Go ang pagkakaroon ng mga naturang programa ng gobyerno sa 161 operational Malasakit Centers sa buong bansa.

“Nandiyan po ang Malasakit Centers para matulungan ang mga mahihirap na pasyente sa kanilang pagpapagamot. Nasa iisang kwarto na sa loob ng pampublikong ospital ang apat na ahensya ng gobyerno na may mga medical assistance programs para matulungan kayo,” sabi ni Go. RNT

Previous articleMga Pinoy pinag-iingat vs bogus online recruitment
Next articleTolentino-sponsored Sharia courts, aprub sa ikalawang pagbasa sa Senado