Home NATIONWIDE Bong Go: Gov’t Accountancy Office likhain

Bong Go: Gov’t Accountancy Office likhain

MANILA, Philippines – Inihain ni Senador Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2536 na naglalayong lumikha ng Government Accountancy Office (GAO) sa ilalim ng Department of Budget and Management (DBM) upang mapahusay at gawing propesyonal ang accounting ng gobyerno.

Nais din ng panukala na pagbutihin ang kasalukuyang sistema ng accounting ng pamahalaan sa pagtatakda ng bagong pamantayan sa pamamahala at pagkontrol sa mga resources ng bansa.

“Ang pagiging propesyonal sa accounting ng gobyerno ay hindi lamang isang pangangailangan kundi isang tungkulin sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Go.

Sa kasaysayan, ang pamamahala at pangangasiwa sa mga operasyong pinansyal sa gobyerno ng Pilipinas ay kailangang maging magkakaugnay at mahusay. Ang labis na pag-asa sa Commission on Audit (COA) sa pag-audit ng pampublikong paggasta ay nagbigay-diin sa malaking agwat sa kakayahan ng gobyerno na pamahalaan ang sistemang pampinansyal nito.

Sa ilalim ng SBN 2536, ang GAO ay nakikita bilang isang central authority na responsable sa teknikal na pangangasiwa ng lahat ng function ng accounting sa mga ahensya ng gobyerno. Ang sentralisasyong ito ay isang estratehikong hakbang na idinisenyo upang matiyak ang consistency, transparency, at efficiency sa paghawak sa government finances.

Layon din ng panukalang batas na itaas ang kalidad ng pamamahala at kontrol sa pananalapi sa pamamagitan ng pagtatakda ng mataas na pamantayan sa propesyon ng accounting sa loob ng pamahalaan.

“Ang pangunahing tungkulin ng GAO ay upang matiyak na ang bawat pisong inilalaan ng pamahalaan ay ginagastos nang matalino, sinusubaybayan nang mabuti, at tumpak na isinasaalang-alang,” ani Go.

Anang senador, ang hakbang na ito ay hindi lamang mapangangalagaan ang pampublikong pondo bagkus ay titiyak na ang mga pondong ay nakadirekta sa mga programa at proyekto na tunay na gumagawa ng pagbabago sa buhay ng Filipino. RNT

Previous articleKai maraming natutunan kay Cone
Next articleOlympic spot abot-kamay na ni Emma Malabuyo