Home NATIONWIDE Bong Go: Higit 700 SHC pinondohan para itayo sa buong bansa

Bong Go: Higit 700 SHC pinondohan para itayo sa buong bansa

MANILA, Philippines – Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, sa groundbreaking ceremony ng bagong Super Health Center sa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran, Navotas City.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng senador na ito ay pangako ng gobyerno na ilapit ang mahahalagang serbisyo sa mamamayang Pilipino, partikular sa mga lugar na kakaunti ang resources sa pangangalagang pangkalusugan.

“Bilang chairman po ng Committee on Health kaya nandito po tayo para sa pagpapatayo ng mga Super Health Center, para mailapit natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan. And of course, pangalagaan na natin ang ating kalusugan dahil katumbas nito ang buhay ng bawat Pilipino,” ani Go sa nasabing event.

“Magkakaroon po ng mahigit 700 na Super Health Center po sa buong Pilipinas kasama na po dito ang Navotas (City) at sa iba pang parte ng Pilipinas,” aniya.

Ang inisyatibang Super Health Center, ayon kay Go, ay bahagi ng diskarte ng gobyerno upang mapahusay ang sistemang pangangalaga sa kalusugan sa bansa. Sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga ito, layon ng gobyerno na i-decongest ang mga ospital na kadalasang umaapaw sa mga pasyente.

Nagsisilbi ang SHC bilang unang linya ng depensa sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan at nagpapadali sa maagang pagtuklas ng mga sakit sa komunidad.

Ang Super Health Center na pinahusay na bersyon ng isang rural health unit, ay nag-aalok ng mga pangunahing serbisyo tulad ng database management, outpatient care, birthing facility, isolation areas, diagnostic services (kabilang ang mga laboratory test, x-ray, at ultrasound), mga serbisyo sa parmasya, at ambulatory surgical units.

Nagbibigay din ito ng mga serbisyo tulad ng pangangalaga sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), mga oncology center, physical therapy, rehabilitation center, at telemedicine.

Sa sama-samang pagsisikap ni Go, bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance, Department of Health, local government units, at mga kapwa mambabatas, may sapat na pondong inilaan para sa 307 Super Health Centers noong 2022 at 322 noong 2023. Magkakaroon din ng pondo para sa 132 Super Health Centers na itatayo ngayong 2024. Sa Navotas City, dalawang center ang pinondohan.

Sa naturang event, pinuri ni Go ang collaborative efforts nina Mayor John Rey Tiangco at Vice Mayor Tito Sanchez, DOH Assistant Regional Director Karen Hernandez, at iba pa.

Previous articleBebot tigok sa suwag ng pick-up truck
Next articlePekeng FB na gumagamit kay Archbishop Advincula ibinabala