MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangang i-update ang listahan ng indigent senior citizens, alinsunod sa Republic Act No. 11916.
Iniuutos ng nasabing batas ang pagtaas ng pensiyon ng indigent senior citizens — mula P500 hanggang P1,000.
Ang RA 11916 o Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens ay ang inamyendahang RA 7432, ang unang Senior Citizens Act. Isa si Sen. Go sa co-author nito sa Senado.
Sinabi ni Go na ang batas ay hakbang sa pagsusulong na matiyak ang mas magandang kalidad ng buhay para sa senior citizens.
Napakahalaga aniya na mabigyan sila ng suporta para makapamuhay nang kumportable.
“Nandiyan na ang batas. Dapat maimplementa ito nang maayos para mapakinabangan ng taumbayan lalo na ng matatanda na sakop ng batas na ito. Ibigay dapat ang nararapat sa kanila at huwag patagalin pa,” idiniin ng senador.
Binanggit ni Go ang Seksyon 6 ng RA 11916 na nag-uutos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa National Council for Senior Citizens (NCSC) na taunang i-update at i-validate ang listahan ng benepisyaryo sa tulong ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng local government units.
Sinabi ng senador na dapat agarang i-update ang listahan ng mga benepisyaryo dahil maaaring tumaas ang bilang ng mahihirap na nakatatanda sa paglipas ng panahon.
Layon nito na matiyak na ang tulong ay makararating sa senior citizens na tunay na kwalipikadong makinabang, ayon sa batas.
Kasama rin si Go sa nag-akda at nag-sponsor ng Senate Bill No. (SBN) 2028 na pangunahing itinaguyod ni Senator Imee Marcos. Ang SBN 2028 ay layong bigyan ng karagdagang suporta ang mga indibidwal na aabot sa edad 80 at 90. Ito ay susog sa Centenarian Act of 2016, na kumikilalang hindi lahat ay umaabot edad na isang siglo.
Binigyang-diin niya ang kultural na kahalagahan ng pangangalaga sa matatanda sa bansa at idiniin na bigyan ng suportang pinansyal ang seniors habang maaari pa nila itong pakinabangan at tamasahin.
Kamakailan lamang, pinangunahan ng opisina ni Sen. Go, kasama si United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, ang opisina ni Sen. Robin Padilla, at volunteer organizations, ang isang aktibidad para sa senior citizens kasabay ng United Senior Citizens Association-Quezon City (USCAQC) General Assembly na ginanap sa White Twins Court, Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Nasa 1,000 dumalo ang nabigyan ng ayuda mula kay Sen. Go. Hinimok ng senador ang mga senior citizen na gamitin ang serbisyo ng Malasakit Centers para sa tulong medikal kung kanilang kakailanganin. RNT