Home NATIONWIDE Bong Go: Malasakit Centers, epektibo sa pagtulong sa pasyenteng mahihirap

Bong Go: Malasakit Centers, epektibo sa pagtulong sa pasyenteng mahihirap

MANILA, Philippines- Sa debate sa plenaryo para sa 2024 budget ng Department of Health (DOH) noong Miyerkules, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, ang mahalagang papel ng Malasakit Centers sa pagbibigay walang kinikilingan at inklusibong access sa pangangalagang pangkalusugan, partikular ng mga mahihirap na Pilipino.

Sa interpellations, ipinaliwanag ni Go, vice chairperson ng Committee on Finance, ang kahalagahan ng accessibility at affordability ng healthcare services lalo na sa mga mahihirap.

“Aside from accessibility of health facilities, equally important is the affordability of health services,” ani Go na binigyang-diin ang pundasyon ng kanyang adbokasiya.

Ang pananaw na ito ang nagbunsod sa kanya iakda at isponsoran ang Republic Act 11463, kilala bilang Malasakit Centers Act. Ipinag-uutos ng batas ang pagtatatag ng Malasakit Centers sa lahat ng mga ospital ng Department of Health (DOH) at ng Philippine General Hospital (PGH).

Sa pagtatanong ukol sa epekto ng mga Malasakit Centers, humingi si Go ng update sa bilang ng mga pasyenteng nasilbihan na nito mula nang ito ay maisabatas.

Ayon sa DOH, nasa 10 milyong pasyente na ang natulungan ng Malasakit Centers noong Oktubre 2023.

Ang bilang na ito ay tumaas mula sa 7 milyong benepisyaryo na iniulat noong nakaraang taon.

Lumilitaw na lumalaki ang naaabot at epektibo ang Malasakit Center sa pagtulong sa pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino, lalo na ng mga mahihirap.

“Marami sa mga mahihirap nating kababayan ang umaasa sa tulong ng gobyerno kapag sila ay na-oospital. Malasakit Centers ensure easier access of patients to government assistance,” idiniin ni Go.

Binigyang-diin din ng senador na importante ang hindi pagkakait ng serbisyo sa sinumang pasyente, lalo kung isasaalang-alang ang panukalang dagdag na badyet para sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) Program para sa 2024.

“Ang pakiusap ko lang po gamitin ito para sa mga indigent patients. Walang dapat pili, kaya nga Medical Assistance to Indigent Patients para ito sa mga walang matakbuhan at walang malapitan kundi ang gobyerno,” ipinaalala ng senador.

“‘Wag po natin silang pahirapan. Pera naman po nila ito, dapat ibalik sa kanila,” anang mambabatas.

Ang Malasakit Centers ay isang one-stop-shop na kinaroroonan ng mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), DOH, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa kasalukuyan ay mayroon nang nag-ooperate na 159 Malasakit Centers sa iba’t ibang panig ng bansa. RNT

Previous articleBagong guideline sa paggamit ng EDSA Bus Lane inilatag
Next articleDigong kay De Lima: Magsama-sama kayo ng ICC