MANILA, Philippines – Kadalasang hindi napapansin ang mga sakit sa kalusugang pangkaisipan kaya marami ang hindi natutukoy ang mga senyales at sintomas, inihain ni Senador Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1786 na mag-aatas sa public higher education institutions (HEIs) na maglagay sa kani-kanilang campus ng Mental Health Office.
“One’s mental health has always been my priority, especially when the COVID-19 hit the country. Palagi itong iniiwasan na pag-usapan dahil kadalasan nahihiya sila sa posibilidad na ma-discriminate sila ng tao. But mental health is an important part of your well-being kaya dapat huwag natin ito pabayaan,” iginiit ni Go, tagapangulo ngbSenate committee on health and demography.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga ulat na datos ng pagpapakamatay sa bansa ay tumaas, partikular sa mga kabataan, sa nakalipas na ilang dekada.
“Kaya hindi po dapat natin ito palagpasin. Mental health is very important to address just like any other health concern,” anang senador.
Layon ng SBN 1786 na inihain ni Go noong Enero 26 na palakasin ang mental health services ng HEIs sa pamamagitan ng paglalagay ng Mental Health Office sa lahat ng kampus, pagkuha, pag-deploy at pagsasanay ng karagdagang HEI-based mental health service personnel.
Ang mga opisina ng mental health ay magtatalaga ng hotlines na may dedikado at sinanay na tagapayo. Nakasaad din sa panukalang batas na dapat bigyan ng espesyal na atensyon ang mga natukoy na may problema o kondisyon sa kalusugan ng isip, lalo ang mga nasa panganib na magpakamatay.
“Alam n’yo, umpisa pa lang ng pandemya, marami na pong naiulat na nakaka-experience ng depression… Marami rin nawalan ng kabuhayan,” ani Go.
“Umpisa pa lang ng krisis, talagang maraming apektado to the point na tumataas rin ang depression and worse, suicide cases. We have to address this issue,” idiniin ng mambabatas.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines Population Institute, 7.5% ng mga kabataang Pilipino ay nagtangkang magpakamatay noong 2021.
Iniulat din ng pag-aaral na sa pagitan ng 2013 at 2021, ang “suicide ideation” sa mga kabataang Pilipino ay higit sa doble.
“Hindi po ako titigil sa pagsasagawa at pagsuporta sa mga programa para makatulong sa ating mga kabataan at mga kababayan na may mental health disorders. Hindi po biro ito. Magtulung-tulong tayo para mabigyan ng sapat na suporta at pondo ang ating mga mental health programs,” ayon kay Go. RNT