Home NATIONWIDE Bong Go, naantig sa kuwento ng pamilya na natulungan ng Malasakit Center

Bong Go, naantig sa kuwento ng pamilya na natulungan ng Malasakit Center

Naantig si Senador Christopher “Bong” Go, kilala bilang Mr. Malasakit, sa kanyang pagbisita kamakailan sa Himamaylan City, Negros Occidental, kung saan nasaksihan niya mismo ang malalim na epekto ng programang Malasakit Centers.

Habang nasa gitna ng talumpati ang senador sa relief activity sa mga displaced worker sa Himamaylan City Hall, isang determinadong lola na si Arlene Velasco ang pumunta sa mikropono at sabik na ipahayag ang kanyang matinding pasasalamat kay Go sa tulong na natanggap ng kanyang apo, si Hyubz Chasten Tanallo, sa pamamagitan ng programang
Malasakit Centers.

“Maraming salamat Senator Bong Go at Mayor Mhai, binigyan niyo ako ng (medical assistance) one million sa operasyon ng apo ko sa Manila… April 12 pa ang schedule sa Manila,” ani Velasco.

Si Hyubz, na nakikipaglaban sa rheumatic heart disease, ay sumailalim sa kritikal na diagnostic procedure, kabilang ang CT scan sa Bacolod Adventist Medical Center. Doon natukoy ng mga doktor ang agarang pangangailangan para sa operasyon sa puso upang matugunan kaagad ang kanyang kalagayan.

Humingi ng tulong si Arlene kay La Castellana Mayor Alme Rhummyla “Mhai-Mhai” Nicor-Mangilimutan na ini-refer sila sa pinakamalapit na Malasakit Center at kalaunan ay natulungan ang pamilya na maitakda ang kinakailangang operasyon ni Hyubs sa Philippine Heart Center.

“Hulog po sila ng langit sakin sina Mayor Myla at Senator Bong Go. Kay Senator Bong Go, nagpasalamat ako nang personal dahil natulungan ang apo ko na maoperahan siya sa April 12 sa Philippine Heart Center,” ang sabi ni Velasco.

“Senator Bong Go, sana marami ka pang matulungan dito sa Negros at sa buong Pilipinas. Sana mabigyan ka pa ni Lord ng mahabang buhay para mas marami ka pang matulungan. God bless you, hindi ka po namin malilimutan,” ang dagdag pa ng lola ni Hyubs.

Inilunsad noong 2018 ng noo’y Special Assistant to the President Bong Go, ang programang Malasakit Centers ay kumakatawan sa makabuluhang hakbang tungo sa mabilis at episyenteng tulong-medikal para sa mamamayang Pilipino, lalo sa mga mahihirap.

Dinisenyo bilang isang one-stop shop, ang Malasakit Centers ay naglalayong pabilisin ang proseso ng pagkuha ng tulong-medikal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kinabibilangan ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO)

Sa kasalukuyan, mayroong 161 Malasakit Centers na nakakalat sa buong Pilipinas, kabilang ang isa sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City. RNT

Previous article85 tirahan nasira sa malakas na ulan, hangin sa Cotabato
Next article10-anyos na lalaki patay sa banggaan ng motorsiklo, trak