Home NATIONWIDE Bong Go nagalit: MGA GAMIT SA OSPITAL, NASIRA SA PATAY-SINDING KURYENTE SA...

Bong Go nagalit: MGA GAMIT SA OSPITAL, NASIRA SA PATAY-SINDING KURYENTE SA DAVNOR

259
0

MANILA, Philippines – GALIT at dismayado si Senador Christopher “Bong” Go sa hindi nareresolbang pagkawala ng kuryente sa Davao del Norte na nagdulot na ng pagkasira ng mga kritikal na kagamitang medikal sa mga pasilidad ng kalusugan sa rehiyon.

Si Go, tagapangulo ng Senate committee on health, ay nagsabing ang lumulubhang power crisis ay hindi lamang malaking abala, bagkus ay nagdudulot din ng pinsala sa mga kagamitang medikal na nagliligtas-buhay.

Sinabi ni Go na dahil sa pagkabigo ng Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) na tugunan ang patuloy na pagkawala ng kuryente, nasira ang mahahalagang kagamitang medikal sa Davao Regional Medical Center (DRMC) sa Tagum City, ayon kay hospital chief Dr. Bryan Dalid.

Dalawang Magnetic Resonance Imaging machine, apat na computerized tomography scan, at isang medical linear accelerator machine ang naiulat na hindi gumagana ngayon dahil sa pinsalang nauugnay sa kuryente.

Inilarawan ni Go ang sitwasyon bilang “katakut-takot at hindi katanggap-tanggap” matapos na ang isang pasyente ay hindi nakatanggap ng kritikal na MRI sa DRMC dahil sa pagkasira ng mga gamit na may kaugnayan sa kuryente.

“Ang kabiguan ng NORDECO na lutasin ang patay-sinding kuryente ay nagreresulta sa pagkasira ng mahahalagang gamit-medikal, na nag-iiwan sa mga pasyente sa matinding kahirapan,” sabi niya.

Ang NORDECO ay nangakong lulutasin ang mga isyu sa suplay ng kuryente noong Hunyo 30 at ikonekta ito sa Samal sa grid mula sa Pantukan. Gayunpaman, ang proyektong ito ay patuloy pa rin. Pansamantala, isang modular generator set ang na-install para matiyak ang power supply sa Samal.

Samantala, sa panayam noong Hulyo 13, matapos tulungan ang mga mahihirap na residente sa Tagum City, sinabi ni Go na awtorisado ang Energy Regulatory Commission na magpataw ng multa laban sa mga electric cooperative, mula P50,000 hanggang P50 milyon.

Nanawagan siya sa ERC na pag-aralan ang proseso at batayan ng pagpaparusa sa mga kooperatiba para sa mga naantalang proyekto, isang hakbang na hindi pa nila nagawa.

Sa kabila ng kanyang matitinding pahayag, nilinaw ni Go na wala siyang kinikimkim na sama ng loob laban sa NORDECO.

“Wala po akong problema sa NORDECO, kung bibigyan nila lang po ng tamang serbisyo ang mga kababayan natin,” idiniin ni Go.

Ipinaliwanag ni Go ang masamang epekto ng brownout na hindi lamang nakakaabala sa mga residente kundi nakasasama rin sa lokal na ekonomiya.

“Ang hirap po magka-brownout, apektado ang turismo, apektado marami po ang mawawalan ng trabaho. Masisira pa ang mga appliances natin, tubig apektado kapag walang kuryente. Lahat apektado kapag walang kuryente,” pagtatapos ni Go. RNT

Previous article‘Bagong Pilipinas’ na brand of governance ni PBBM inilunsad!
Next articlePinas, ika-18 ranggo sa paglaban sa terorismo, violent extremism

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here