Nanawagan ng hustisya si Senator Christopher “Bong” Go sa kaso ni architect Vlanche Marie Bragas na natagpuang patay noong Mayo 17 sa Calinan District ng Davao City matapos gahasain ng hindi pa kilalang salarin.
Sa ambush interview matapos tulungan ang mga mahihirap na residente sa Maco, Davao de Oro, nakiramay si Go sa pamilya ni Bragas at nanawagan sa pulisya na bilisan ang kanilang imbestigasyon.
“Ako po ay nakikiramay sa pamilya. Nakausap ko rin po ang nanay. At isa rin po ako sa humihingi ng hustisya sa pagkamatay ng ating kababayan sa Davao City,” ani Go.
“Balita ko na nag-form na po ng special investigation task force ang ating (PNP) regional director para maresolba agad ito at mahuli ang suspek o mga suspek dito. Kaya nakikiusap po ako, bigyan agad ng hustisya,” dagdag niya.
Iniulat na nawawala si Bragas matapos huling makita noong gabi na sakay ng dilaw na tricycle sa Barangay Dacudado, Calinan District. Siya ay natagpuang patay sa isang bukas na kanal ng isang plantasyon ng saging kinaumagahan.
Bilang vice chairn ng committee on peace and order sa Senado, nangako si Go ng kanyang suporta sa paghahanap ng hustisya para sa napatay na arkitekto.
Nabahala si Go sa posibleng pagkakasangkot ng iligal na droga at nanawagan ng masusing pagsusuri sa aspetong ito.
“Tingnan nating mabuti kung wala bang involved na droga dito. ‘Yan po ang kinatatakutan ko kapag pumasok ang droga, babalik ang kriminalidad, babalik ang korapsyon sa gobyerno,” anang senador.
Kinikilala ang potensyal ng sports bilang isang deterrent, hinihikayat din niya ang mga kabataan na yakapin ang sports at ilayo ang kanilang sarili sa droga para matiyak ang isang mas ligtas at mas maunlad na bansa.
“Kaya ganun na lang ang galit namin ni dating Presidente (Rodrigo Duterte) sa droga. Kaya isa rin po sa pamamaraan na ineengganyo ko po ang kabataan to get into sports, stay away from drugs,” ani Go.