Home NATIONWIDE Bong Go nanindigan vs aborsyon

Bong Go nanindigan vs aborsyon

MANILA, Philippines – Mariing tinutulan ni Senador Christopher “Bong” Go ang aborsyon at anumang hakbang para i-decriminalize ito.

Sa isang panayam matapos ang 2023 Muay Thai National Championship sa PhilSports Complex sa Pasig City, binigyang-diin ni Go ang kabanalan ng buhay at ang limitasyon ng personal na kalayaan.

Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng debate sa plenaryo noong Nobyembre 14 kung saan ipinagpaliban ang 2024 budget ng Commission on Human Rights (CHR) habang nakabinbin ang tiyak na paninindigan ng ahensya sa aborsyon.

“Unang-una, in principle, tutol talaga ako sa abortion, ‘yung intentional abortion kung saan po nakaplano at gusto mo talagang ipalaglag ang sanggol,” ani Go.

“Your freedom of choice in life ends where someone’s right to live begins,” ang idiniin ng senador.

“Hindi tayo ang may-ari ng ating buhay, hiram lang natin ito sa Diyos.”

Nanawagan ang senador ng paglilinaw mula sa CHR hinggil sa opisyal na posisyon nito sa aborsyon na nagpapahiwatig ng maaaring implikasyon nito sa kanilang badyet.

“Sana po ay mabigyan ng clarification ng CHR kung ano ba talagang official position nito hinggil sa abortion kung ayaw nilang maapektuhan ang kanilang budget,” ani Go.

Ang pagpapaliban sa badyet ng komisyon ay bunsod ng nakaraang pahayag ni CHR Executive Director Jacqueline Ann de Guia, noong siya ay tagapagsalita pa, na sumusuporta sa dekriminalisasyon ng aborsyon. Inilabas ito ni Senador Alan Peter Cayetano sa deliberasyon sa plenaryo.

Si Senador Jose “Jinggoy” Estrada, ang sponsor ng budget ng CHR, ang nagpasimula naman ng mosyon na ipagpaliban ang deliberasyon. Nagpapakita ito ng sama-samang sentimyento ng mga senador mula sa magkakaibang relihiyon laban sa aborsyon. RNT

Previous article2 studes sa Taguig na natagpuang-patay sa eskwelahan, may ininom bago namatay – police
Next articleCastillo, itinalaga ni PBBM bilang Court of Appeals presiding judge