Home NATIONWIDE Bong Go: ‘Online pharmacies’ higpitan

Bong Go: ‘Online pharmacies’ higpitan

193
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, na dapat higpitan o i-regulate ang operasyon ng mga “online pharmacies” sa bansa, gaya ng iminungkahi sa ilalim ng eBotika bill.

“As chairman of the committee on health, pag-aralan po nating mabuti ito. But for now, given na ang dami pong nagbebenta diyan sa online ng mga gamot, especially sa social media, dapat ay prescription drugs, meaning kailangan n’yo po ng reseta ng isang doktor,” sabi ni Go matapos siyang mamahagi ng ayuda sa mga mahihirap sa Monkayo, Davao de Oro.

“Kailangan natin ng more measures on how to regulate this; kailangan nating i-regulate po ito. Buhay at kalusugan po ng mamamayan ang pinag-uusapan dito,” dagdag ng senador.

Sinabi ni Go na hindi lamang ito isyu sa pag-regulate ng komersyo kundi isang mahalagang bagay sa buhay at kalusugan.

“Hindi pwedeng basta-basta ka na lang bumili diyan sa online. Kailangan may proseso ring pinagdaraanan. What if mali ang nabili mo sa online, what if peke, what if hindi tama ang dosage? What if na-overdose ang pasyente, sino po ang mananagot?” anang senador.

“So, pag-aralan nating mabuti ito dahil mayroon pong nai-file sa Lower House. Kapag dumating po sa Senado, tatalakayin natin ito nang mabuti,” aniya pa.

Ang eBotika Act, na inihain ni Iloilo 4th District Representative Ferjenel Biron, ay layong i-regulate ang pagbebenta ng mga gamot online o sa social media.

Nababahala si Biron na ang mga iligal at hindi angkop na operasyon ng “online pharmacies” ay nakaaapekto sa mga legal na botika at naglalagay sa panganib sa kalusugan ng publiko.

Ang kakulangan ng dedikadong batas at kawalan ng regulasyon sa mga ito ay nagdudulot ng mas malaking panganib sa kalusugan ng mamamayan.

Suportado ni Go si Biron sa pagsasabing dapat aralin ang mas mahigpit na regulasyon dito.

“Mahalaga na magkaroon tayo ng regulatory measures to oversee the so-called online pharmacy. Kung walang existing FDA-licensed pharmacy with a physical address, bawal talaga ang mag-order sa online ng mga medisina, as per the FDA,” ani Go.

Ipinagbabawal ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga parmasya na magbigay ng online ordering services maliban kung mayroong kaukulang parmasya na lisensyado ng FDA nagmamantina ng isang pisikal na lokasyon.

Sa mga deliberasyon para sa 2023 national budget, itinaguyod at sinuportahan ni Go ang P21 bilyong badyet para sa PhilHealth, kabilang ang Konsulta program. RNT

Previous articleVigil ni Pope Francis sa Portugal nilahukan ng 1.5M pilgrims
Next articlePagtatayo ng 2 TESDA training hubs sa Bicol isinusulong sa Kamara

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here