MANILA, Philippines – MALAKING tulong para sa mga ordinaryong manggagawa ang P150 umento sa arawang sahod lalo’t ramdam pa rin ang naging epekto ng COVID-19 pandemic at ng mataas na inflation sa bansa.
Kaya naman sinusugan ni Senator
Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2002, mas kilala bilang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023, na naglalayong ipatupad ang P150-increase sa arawang suweldo ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Kalahati ng populasyon ay inilalarawan ang mga sarili bilang mahirap batay sa kamakailang survey, iginiit ni Go, miyembro ng Senate committee on labor, na dapat magpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang malabanan ang epekto ng pandemya at mataas na inflation.
“Totoo na dahan-dahan nang bumubukas ang ating ekonomiya at marami na rin ang nakababalik sa kanilang mga trabaho at hanapbuhay. Pero hirap pa rin ang mga ordinaryong Pilipinong itawid ang araw-araw na gastusin dahil sa inflation at mababang suweldo,” paliwanag ni Go.
Binigyang-diin ni Go na ang martsa tungo sa pagbangon ng ekonomiya ay dapat maramdaman ng mga ordinaryong manggagawang Pilipino sa gitna ng kanilang pakikibaka sa pang-araw-araw na gastusin sa pamamagitan ng pagtiyak na hindi mawawalan ng laman ang sikmura ng kanilang mga pamilya.
Sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station noong Marso 2023, 51% ng mga respondent ang nag-rate sa kanilang sarili bilang mahirap—bilang na hindi nagbago mula noong Disyembre 2022 survey ng kaparehong kumpanya.
Sa 51% na itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap, humigit-kumulang 1.8 milyong pamilya (6.5%) ang umamin na hindi sila mahirap sa nakalipas na 1 hanggang 4 taon, angkop na tawagin silang “bagong mahirap”. Mga 10 milyong pamilya, kumakatawan sa 39% ng mga sinuri, ay ikinokonsidera ang kanilang sarili bilang “food-poor”.
Matatandaang inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang nasabing panukalang batas noong Marso 14 at ipinaliwanag na “The proposed wage hike will apply to the entire private sector, agricultural and non-agricultural, regardless of capitalization and number of employees.”
Advertisement