MANILA, Philippines – MALAKING tulong para sa mga ordinaryong manggagawa ang P150 umento sa arawang sahod lalo’t ramdam pa rin ang naging epekto ng COVID-19 pandemic at ng mataas na inflation sa bansa.
Kaya naman sinusugan ni Senator
Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2002, mas kilala bilang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023, na naglalayong ipatupad ang P150-increase sa arawang suweldo ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Kalahati ng populasyon ay inilalarawan ang mga sarili bilang mahirap batay sa kamakailang survey, iginiit ni Go, miyembro ng Senate committee on labor, na dapat magpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang malabanan ang epekto ng pandemya at mataas na inflation.
“Totoo na dahan-dahan nang bumubukas ang ating ekonomiya at marami na rin ang nakababalik sa kanilang mga trabaho at hanapbuhay. Pero hirap pa rin ang mga ordinaryong Pilipinong itawid ang araw-araw na gastusin dahil sa inflation at mababang suweldo,” paliwanag ni Go.
Binigyang-diin ni Go na ang martsa tungo sa pagbangon ng ekonomiya ay dapat maramdaman ng mga ordinaryong manggagawang Pilipino sa gitna ng kanilang pakikibaka sa pang-araw-araw na gastusin sa pamamagitan ng pagtiyak na hindi mawawalan ng laman ang sikmura ng kanilang mga pamilya.
Sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station noong Marso 2023, 51% ng mga respondent ang nag-rate sa kanilang sarili bilang mahirap—bilang na hindi nagbago mula noong Disyembre 2022 survey ng kaparehong kumpanya.
Sa 51% na itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap, humigit-kumulang 1.8 milyong pamilya (6.5%) ang umamin na hindi sila mahirap sa nakalipas na 1 hanggang 4 taon, angkop na tawagin silang “bagong mahirap”. Mga 10 milyong pamilya, kumakatawan sa 39% ng mga sinuri, ay ikinokonsidera ang kanilang sarili bilang “food-poor”.
Matatandaang inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang nasabing panukalang batas noong Marso 14 at ipinaliwanag na “The proposed wage hike will apply to the entire private sector, agricultural and non-agricultural, regardless of capitalization and number of employees.”
Inaasahan ng pinuno ng Upper Chamber na matatalakay ang panukala bago mag-adjourn ang Senado sa susunod na buwan. Ang committee on labor and employment, na pinamumunuan ni Senator Jinggoy Estrada, ay inaprubahan kamakailan sa prinsipyo ang nasabing panukalang batas, na co-authored din ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda.
Bagama’t kinikilala ng senador na dapat balansehin ng gobyerno ang interes ng mga employer at manggagawa, ipinaalala ni Go na kamakailan lamang ay nagkaroon ng mas mababang income tax ang mga kumpanya at negosyo sa pamamagitan ng pagpasa ng Republic Act No. 11534 o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o “CREATE” na inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, inihain ni Go noong nakaraang taon ang SBN 1705 na nagmumungkahi na taasan ang service incentive leave ng mga empleyado ng pribadong sektor; at SBN 1707 na naglalayong magbigay ng mga pakete ng kompensasyon sa social workers sa bansa.
Naghain din siya kamakailan ng SBN 2107, o “Freelance Workers Protection Act”, na layong bigyan ng proteksyon at mga insentibo freelance workers.
Noong nakaraang taon, naghain din si Go ng SBN 1183, o “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”, na layong mabigyan ng proteksyon, seguridad at insentibo ang mga manggagawa sa media sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime at night differential pay.
Bukod dito, naghain ang senador ng SBNs 1184 at 1191 na magbibigay ng higit pang proteksyon sa kapakanan at interes ng delivery service riders at seafarers sa bansa. RNT