Bong Go pinuri ang IATF sa inilatag na health, safety protocols sa mga umuuwing OFWs

Bong Go pinuri ang IATF sa inilatag na health, safety protocols sa mga umuuwing OFWs

July 1, 2020 @ 1:20 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Pinuri at pinasalamatan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at ang mga ahensiya ng gobyerno sa inilatag na health and safety protocols para sa mga nagsisiuwing overseas workers para mapigil ang paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19).

Umapela naman si Go sa OFWs na sundin lang ang mahigpit na guidelines ng pamahalaan para matiyak  maayos, ligtas at malusog silang makauuwi sa kani-kanilang pamilya sa gitna ng pandaigdigang pandemya.

“Sa ating mga kababayang Pilipino na uuwi ng Pilipinas, may mga nilatag na health and safety protocols ang ating gobyerno upang protektahan po kayo at ang inyong mga pamilya. Sundin natin ito para masiguro nating magiging ligtas din ang mga mahal ninyo sa buhay sa inyong pag-uwi,” anang senador.

“Sa anumang mga hakbang na gagawin ng gobyerno at pati ng mga ordinaryong mamamayan, palagi nating unahin ang buhay at kapakanan ng kapwa nating Pilipino,” dagdag niya.

Kamakailan ay naglabas ang  IATF, Philippine Red Cross at Department of Health ng step-by-step procedure o proseso na ipinatutupad sa Ninoy Aquino International Airport para sa mga nagsisiuwing OFWs.

“Alam kong mahaba ang magiging proseso ng inyong pagdating dito sa bansa pero ginagawa lamang natin ito para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat,” ayon sa senador.

Kaya naman humihingi siya ng pasensya, pang-unawa at pakikisama sa panahong tulad nito na ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa ang prayoridad.

At bilang tagapangulo ng Senate committee on health, kinomendahan ni Go ang sama-samang pagsisikap ng IATF, PRC at DOH sa paglalatag ng mga protocol para sa kaligtasan ng lahat ng Filipino.

“Maraming salamat sa mga ahensya ng gobyerno at ibang sektor, lalong lalo na sa IATF, PRC at DOH na patuloy na gumagawa ng paraan para maisaayos natin ang proseso ng pagdating ng ating mga kababayan,” ani Go.

Pinuri rin niya ang Department of Tourism, ang OWWA at ang kanilang partner-hotels sa pagbibigay ng quarantine facilities sa OFWs.

“Nagpapasalamat tayo sa lahat ng ahensya ng gobyerno, partner agencies at institutions para sa inyong serbisyo at sakripisyo upang matulungan ang ating mga kababayan na makauwi sa bansa nang ligtas,” sabi ni Go. RNT

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...