Home NATIONWIDE Bong Go sa DA, DSWD: Magsasaka ayudahan sa El Niño

Bong Go sa DA, DSWD: Magsasaka ayudahan sa El Niño

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa iba pang ahensya ng gobyerno na paghandaan ang epekto ng El Niño phenomenon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas matatag na suporta sa mahihirap na komunidad, partikular sa mga magsasaka.

“Inaasahan natin na malaki ang epekto ng El Niño sa ating bansa kaya nananawagan ako sa gobyerno na magtulungan tayo na tiyaking may maayos na suporta ang ating mga kababayang Pilipino, lalo na ang mahihirap,” ani Go.

Sa isang advisory na inilabas ng United Nations noong Martes, hinihimok nito ang buong mundo na maghanda sa epekto ng El Niño phenomenon dahil maaari itong humantong sa mataas na temperatura.

Sinabi ng UN na mayroong 90 porsiyentong posibilidad na magpatuloy ang El Niño sa buong 2023.

Karaniwan itong nangyayari tuwing dalawa hanggang pitong taon at ang tagal nito ay umaabot mula siyam hanggang 12 buwan.

Ang El Niño ay nauugnay sa tumataas na antas ng init sa buong mundo na sinasamahan ng dry conditions sa ilang partikular na rehiyon at malakas na pag-ulan sa iba.

Sinabi ni Go na dapat na kagyat na tugunan ang mga potensyal na epekto ng El Niño at binigyang-diin niya ang pamamahagi ng suporta sa mahihirap na pamilyang magsasaka upang mapahusay ang kanilang produksyon sa agrikultura at pangkalahatang kabuhayan.

Hinimok ng senador ang DA na magpatupad ng mga programang makikinabang ang mga magsasaka gaya ng access sa mga modernong teknolohiya na makatutulong upang mapabuti ang kanilang mga ani.

Hiniling naman niya sa DSWD na lumikha rin ng mga programa na ang target ay mga mahihirap na komunidad at siguruhing sila ay may access sa sapat at masustansyang pagkain.

Muling binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng isinusulong niyang batas, ang Senate Bill No. 188 na magtatatag ng Department of Disaster Resilience.

Layon nitong palakasin ang disaster response capabilities ng gobyerno at maihanda ang bansa sa epekto ng mga natural na kalamidad, tulad ng El Niño. RNT

Previous articleMga coop, katuwang sa pagpigil sa kahirapan – Villar
Next articleSoKor President Yoon, iba pang opisyal bibisita sa Pinas

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here