Home NATIONWIDE Bong Go sa gobyerno: Pamilyang mahihirap, unang tulungan

Bong Go sa gobyerno: Pamilyang mahihirap, unang tulungan

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa gobyerno na palakasin ang pagtulong sa mga nangangailangan kasunod ng bagong sarbey na lumobo Pilipinong nagsasabi na sila ay mahirap.

Ang nakaraang Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa ng OCTA Research na inilabas noong Martes ay nagdulot ng mga alalahanin tungkol sa ekonomiya ng maraming pamilyang Pilipino.

Isinagawa mula Hulyo 22 hanggang 26, 2023, humigit-kumulang 50% ng pamilyang Pilipino o tinatayang 13.2 milyong kabahayan ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap, mas mataas kumpara sa 11.3 milyong pamilya na naitala noong Marso 2023.

Humigit-kumulang 60% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang naniniwala na ang antas ng kahirapan sa bansa ay nanatiling pareho noong nakaraan.

Ang kalkulasyon ay batay sa kumpletong bilang ng mga sambahayan na naitala sa 2020 Census of Population and Housing.

Ayon kay Go, binibigyang-diin ng survey ang pangangailangang tugunan ang hamon sa ekonomiya na kinakaharap ng malaking bahagi ng populasyon sa gitna ng iba’t ibang sitwasyon ng krisis tulad ng mga kalamidad at pandemya ng COVID-19.

“Tayo ay unti-unti pa pong bumabangon mula sa pandemya at iba pang mga pagsubok na kinakaharap natin, kinakailangan nating magkaisa at magtulungan upang ayusin ang kalagayan ng bawat isa. Lagi ko pong sinasabi na dapat walang magutom na Pilipino. Unahin natin ang interes at kapakanan ng mga mahihirap,” ani Go.

Si Go ay nangunguna sa pagtataguyod ng pro-poor policies at initiatives at isa sa kanyang legislative contribution ay ang Republic Act No. 11960, o ang One Town, One Product (OTOP) Act.

Isinusulong nito ang local entrepreneurship na magbibigay kapangyarihan sa mga komunidad na bumuo ng mga natatanging produkto.

Sa programang OTOP, iaangat ang mga naghihirap na pamilya sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng maliliit na negosyo.

“Alam n’yo ang MSMEs po ay backbone ng ating ekonomiya. Tulungan po natin ‘yung maliliit na negosyante na palaguin ang kanilang negosyo, suportahan po ito ng gobyerno. Karagdagang negosyo po sa kanila, karagdagang trabaho. At sila po ‘yung maliliit na negosyante na may mga binubuhay na pamilya rin po,” anang senador. RNT

Previous articleAma pinalakol ng lasenggong anak
Next articleNet, bakal sa gilid ng bundok bawal na; Mayor Magalong na-fake news