Home NATIONWIDE Bong Go sa job-seekers MARAMING BAKANTENG TRABAHO SA MALASAKIT CENTERS

Bong Go sa job-seekers MARAMING BAKANTENG TRABAHO SA MALASAKIT CENTERS

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Christopher “Bong” Go, sa public hearing ng Senate committee on health, na kulang sa tauhan ang mga Malasakit Centers sa bansa kaya nanawagan siya sa mga naghahanap ng trabaho na aplayan ang mga ito.

Hinimok ni Go ang Filipino jobseekers na maging bahagi sila ng gobyerno na mailapit ang mga programang tulong-medikal sa mga mahihirap sa pamamagitan ng Malasakit Centers.

Natuklasan ni Go ang kakulangan ng tauhan sa mga Malasakit Center mula mismo sa mga kinatawan ng partner agencies na dumalo sa pagdinig na kanyang pinangunahan.

Ang Republic Act No. 11463 na nagtatag sa Malasakit Center na pangunahing itinaguyod at iniakda ni Go ay nagpapabilis sa pagbibigay ng tulong-medikal at pinansyal sa mga mahihirap na pasyente. Pinagsama-sama nito sa iisang bubong ang Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga Pilipino.

Sa pagdinig, kinuwestyon ni Go ang kakapusan ng mga tauhan mula sa mga ahensya sa mga nasabing center sa pagsasabing ito ay nakahahadlang sa serbisyo o operasyon ng Malasakit Centers.

Sinabi ni Director Girlie Veloso ng DOH Malasakit Program Office na mayroon nang 161 Malasakit Centers. Kasabay nito’y inilatag niya ang update sa staffing status ng Malasakit Centers nationwide sa bawat ahensya.

Bago ang pagbubukas ng pinakabagong dalawang center kamakailan, 96 kinatawan ng PCSO lamang ang nakatalaga sa 159 Malasakit Center, nangangahulugang kapos ito ng 63 tauhan.

Ang DSWD ay nagtalaga ng 136 tauhan habang ang PhilHealth ay may 106 na kinatawan mula sa 159 centers.

Pinuna rin ni Go ang PCSO sa pagbibigay prayoridad sa operasyon ng lottery nito kaysa ipatupad ang tungkulin nito sa Malasakit Centers, alinsunod sa batas.

Tiniyak naman ni PCSO Assistant General Manager Larry Cedro ang buong transparency sa kanilang mga operasyon at nangakong pupunan ang mga kakulangan sa Malasakit Centers.

Inamin ni Cedro ang kakulangan ng kanilang mga tauhan sa Malasakit Centers at binanggit na nitong Marso, ang kabuuang bilang ng mga naka-deploy ay 104 mula sa target na 161.

Ipinaliwanag niya ang mga hamon na kinakaharap sa staffing, kabilang ang pag-renew ng kontrata at ang pag-aatubili ng ilang aplikante sa kanilang deployment.

Dahil dito, umapela si Go sa mga walang trabaho na mag-apply para sa mga posisyon sa PCSO at iba pang katuwang na ahensya upang mapunan ang mga bakante sa bawat Malasakit Center.

Sinabi ni Go na ang Malasakit Center ay isinabatas para maibsan ang hirap ng mga Pilipino sa pag-access ng tulong-medikal at pinansyal.

Sa panig ng DSWD, tiniyak ni Assistant Bureau Director Edwin Morata sa komite na ang lahat ng ospital ay mayroon na ngayong dedikadong social worker, maliban sa ilang bagong bukas o under-construction na pasilidad.

Sinabi naman ni Dr. Clementine Bautista ng PhilHealth na mayroon silang 137 Malasakit personnel na naka-deploy sa mga DOH Retained Hospitals at Philippine General Hospital sa Maynila, kasama ng karagdagang PhilHealth CARES personnel upang tulungan ang kanilang mga miyembro.

“Kaya po natin ito isinabatas para huwag pahirapan ang mga kababayan natin. Pera naman po nila ‘yan. Sa taong bayan po ‘yan. Tulungan po natin sila. Nakikiusap po ko sa inyo,” ang paalala ni Sen. Go. RNT

Previous articleDating CA justice itinalagang PCGG commissioner
Next article4 miyembro ng ‘ipit gang’ at ‘dura-dura gang’ sa LRT1, arestado