MANILA, Philippines – BINIGYANG-DIIN ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng paninindigan at pagsasabi ng katotohanan sa pamamahayag kasabay ng panawagan sa mga miyembro ng media na iwasan ang fake news na may masamang epekto sa pamilya at sa komunidad sa kabuuan.
Ginawa ni Sen. Go ang pahayag sa kanyang pagdalo noong Sabado bilang speaker sa kauna-unahang Bicol Social Media Summit sa Naga City, Camarines Sur.
Ang event ay inorganisa ng Bicol Press Club, katuwang ang Philippine Information Agency-Camarines Sur at iba pang pribado at pampublikong sektor. Ang tema ay tumatalakay sa papel ng mga public servant at social media sa lipunan, partikular noong post-pandemic situation.
Sa kanyang talumpati, ipinaabot ni Go ang kanyang pagsuporta sa media at pagkilala sa kanilang tungkulin bilang frontliner sa panahon ng pandemya at natural na kalamidad.
“Sa media po, suportado ko po kayo. Kayo po ang naging hero sa panahon po ng pandemya. Kayo ang nagdadala ng balita sa panahon ng bagyo. Binubuwis ninyo lahat ang inyong buhay. Minsan nagsasakripisyo para lang makapagdala ng balita, basta sa kapakanan ng ating bayan, ‘yung totoong balita lang,” ani Go.
Sinabi naman niya sa mga estudyante ng mass communication na naroroon sa event ang kahalagahan ng kabataan kaya hinikayat niya silang yakapin ang kanilang potensyal bilang mga lider sa hinaharap.
Binatikos din niya ang fake news na aniya’y may masamang epekto sa bawat pamilya at komunidad sa kabuuan at hinamon ang mga kasapi ng media na ipagpatuloy ang pag-uulat ng katotohanan. Tiniyak niya ang kanyang suporta sa mga gawaing ito.
“Kapag kumalat na yung fake news sa isang indibidwal, kawawa ang kanyang pamilya, may mga anak na nasasaktan po kapag naging biktima sila ng fake news,” paliwanag ng senador.
“’Yung iba ayaw na pumasok sa paaralan ng kanilang mga anak kapag naging biktima sila ng fake news. Naaapektuhan talaga ang mental health ng ating mga kababayan,” idinagdag ni
Go.
Ibinahagi rin ni Go na naghain siya ng Senate Bill No. 1183, o panukalang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”, na naglalayong bigyan ng proteksyon, seguridad at mga insentibo ang mga manggagawa sa media sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime, night differential pay, at iba pang benepisyo.
Sa naturang summit, kinilala ni Go ang ilang lokal na opisyal na dumalo, kinabibilangan nina Senator Francis Tolentino, Albay Governor Greco Lagman, Naga City Mayor Nelson Legacion, Libmanan City Mayor Jes Camara, Pasacao Mayor Jorge Bengua, Milaor Mayor Anthony Reyes, Goa Mayor Marcel Pan, Iriga City Mayor Rey Oliva, at marami pang iba.
Pinuri niya ang mga opisyal ng Bicol Press Club sa pangunguna ni Ruel Saldico ng Radio DZRH, at mga opisyal ng National Press Club of the Philippines na nasa ilalim ni Lydia Bueno bilang pangulo sa pagtataguyod sa maayos at walang kinikilingang pamamahayag sa bansa.
“Uulitin ko po, bukas po ang aking opisina para sa inyong lahat. Ako po ay magtatrabaho para sa Pilipino,” paniniyak ni Go.
Sa araw ding iyon, namahagi rin ng tulong si Go sa libu-libong mahihirap, dumalo sa groundbreaking ng Naga City Super Health Center, at nag-inspeksyon sa isang bypass road sa lungsod na kanyang sinuportahan ang pagpopondo bilang vice chair ng finance committee.
Nagsagawa rin siya ng monitoring visit sa Malasakit Center sa Bicol Medical Center. RNT