Home NATIONWIDE Bong Go sa mga bagong halal sa BSK: MAGPOKUS SA MANDATO, MAGSILBI...

Bong Go sa mga bagong halal sa BSK: MAGPOKUS SA MANDATO, MAGSILBI SA TAO

Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga indibidwal at grupo na responsable sa maayos at matagumpay na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

“Nagpapasalamat tayo sa mga teacher, sa mga principal, sa school officials natin na nagboluntaryong tumulong na magkaroon tayo ng tahimik at maayos na eleksyon,” ani Go na umoto sa barangay elections sa precinct no. 1658A ng Buhangin Central Elementary School SPED Center sa Davao City.

“Ngayong tapos na ang eleksyon, magkaisa tayo para sa ikabubuti ng ating mga komunidad. Sa mga natapos na termino, sa mga magsisimula pa lang ang termino, at sa mga patuloy na magsisilbi sa kanilang mga komunidad, salamat po sa inyong dedikasyon sa paglilingkod sa bayan,” anang senador.

Ipinaalala ni Go sa mga bagong halal na opisyal ng barangay ang kanilang pangunahing tungkulin na unahin ang pangangailangan at kapakanan ng mga nasasakupan.

“Congratulations sa lahat ng nanalo sa nakaraang barangay and SK elections. Ang hamon ko sa inyo ay unahin palagi ang interes at kapakanan ng inyong mga nasasakupan nang may tunay na pagmamahal at malasakit sa kapwa,” ayon kay Go.

Binigyang-diin ng mambabatas sa mga pinagkatiwalaan ng mga posisyon sa barangay na maging responsable at tunay na nagmamalasakit sa sambayanang Pilipino.

Ipinaliwanag ni Go ang kritikal na papel na ginagampanan ng mga barangay sa paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad, bilang frontliners at unang takbuhan ng mamamayan sa oras ng pangangailangan.

“Kayo rin ang mas nakakaalam sa mga araw-araw na pangangailangan ng inyong nasasakupan—mula sa pambayad sa ospital, libing, sunog, baha, lindol, seguridad, at iba pa. At bilang inyong senador, tutulong ako sa inyo sa abot ng aking makakaya,” ayon kay Go.

Umaasa si Go na ang mamamayan ay nakapili ng mga kandidato na responsable at tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng mga tao.

Sa hangaring palakasin ang pamamahala sa barangay, matatandaang inihain ni Go ang Senate Bill No. (SBN) 197 o ang Magna Carta for Barangay. Aniya, dapat palakasin at suportahan ng policymakers ang batayang yunit ng pamahalaan sa antas ng barangay upang maisulong ang mas mabuting pamamahala at mailapit ang mga serbisyo-publiko sa mga nangangailangan.

Inihain din ni Go ang Barangay Health Workers Compensation Bill. Kung magiging batas, ang panukala ay naglalayong bigyan ang Barangay Health Workers (BHWs) ng buwanang honorarium, kasama ng iba pang benepisyo tulad ng allowance, security of tenure, pagsasanay, at mga pagkakataon para sa pagpapaunlad ng kasanayan. RNT

Previous articleHappiest Christmas in SM City CDO Uptown
Next articleTolentino sa mga bagong opisyal ng barangay: Wag palitan ang BHWs