MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng paggalang sa demokratikong proseso at boses ng mamamayan matapos ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) noong Lunes, Oktubre 30.
Dahil dito, hinimok ni Go ang mga botante at ang mga bagong halal na opisyal na pahalagahan ang responsibilidad at pag-unawa na nauugnay sa pagboto.
Ayon sa senador, ang resulta ng BSKE ay direktang repleksyon ng boses ng mga tao kaya bilang isang bansa, igalang at panindigan ang mga pinili ng ating kapwa Pilipino.
Binigyang-diin niya ang pagpili ng mga kandidatong may integridad, kakayahan, at tunay na pagnanais na pagsilbihan ang kanilang komunidad, lalo na ang mga kapos-palad at nangangailangan ng higit na atensyon ng gobyerno.
“Ngayong tapos na ang eleksyon, magkaisa tayo para sa ikabubuti ng ating mga komunidad. Sa mga nahalal ng taumbayan, isapuso ang inyong gagampanang tungkulin at unahin ang kapakanan ng mga pinakanangangailangan,” giit ni Go.
Ibinahagi ni Go ang kanyang saloobin sa pananagutan ng mga nahalal, sa pagsasabing, “Sa mga bagong halal na opisyal ng barangay at SK, tandaan na ang publiko ay nagtiwala sa iyo.”
“Sana ay lagi ninyong unahin ang kapakanan ng inyong mga nasasakupan, lalo na ang mga mahihirap, walang pag-asa at walang magawa, dahil ito ang esensya ng serbisyo publiko,” dagdag pa niya.
Batay sa kanyang personal na karanasan kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte, binigyang pansin niya ang mga hamon at katuparan na nauugnay sa pamamahala sa barangay.
Ani Go, naiintindihan niya ang kritikal na papel na ginagampanan ng barangay sa istruktura ng pamamahala dahil sila ang pinakamalapit sa mga tao, at ang kanilang mga aksyon ay may malaking epekto sa buhay ng kanilang nasasakupan.
Ginamit ni Go ang karapatang bumoto sa Buhangin Central Elementary School SPED Center, precinct no. 1658A, sa Davao City noong eleksyon.
Sa hangaring palakasin ang pamamahala sa barangay, inihain ni Go ang Senate Bill No. 197, o ang Magna Carta para sa mga Barangay. Aniya, dapat munang palakasin at suportahan ng policymakers ang batayang yunit ng pamahalaan sa antas ng barangay upang maisulong ang mabuting pamamahala at mailapit ang mga serbisyo publiko sa mga nangangailangan. RNT