MANILA, Philippines – IDINIIN ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat ay hindi maapektuhan ang kapakanan ng mga retirado at aktibong unipormadong tauhan sa panukalang reporma sa pensyon ng militar.
Sa kanyang manipestasyon sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense, binigyang-diin ni Go, vice chair ng nasabing komite, mahalaga aniya ang pagkilala sa walang kapantay na serbisyo ng militar at uniformed personnel sa pangangalaga sa seguridad ng bansa.
“Buhay ang isinasakripisyo nila para mapanatili ang seguridad ng bansa. Iba po ang sakripisyo nila dahil buhay po ang nakataya dito,” ani Go.
“Kahit isang boto lang ako dito, palagi kong ipaglalaban kung ano pong makakabuti sa mga nagseserbisyo sa bayan,” paniniyak ng senador.
Sinabi ni Go na tutol siya sa mga panukalang makaaapekto sa kasalukuyang benepisyo na ibinibigay sa mga pensiyonado at kung ano ang inaasahang ibibigay sa mga nasa aktibong serbisyo kapag sila ay nagretiro.
“Karamihan sa kanila ay may pinaglalaanan na ng pera, ‘yung iba diyan ay expecting na sa matatanggap nila once they retire. Binigay na natin sa kanila, yung iba nakaplano na, nangutang na, nakapag-loan na, nag-installment para sa future ng mga anak, nakaplano na lahat yan, tapos ngayon oobligahin sila mag-contribute. Huwag naman po sana,” giit ng mambabatas.
“Huwag nating baguhin ang sistema sa kalagitnaan. Sa ibang bansa, tulad sa United Kingdom, hindi po inoobliga na magbigay ng mandatoryong kontribusyon ang kanilang militar,” ipinunto niya.
“Yung ikakaltas sa sundalo halos katumbas na yan ng isang sakong bigas na pwede nilang ipakain sa pamilya nila,” idinagdag ni Go.
Kung ang mga reporma aniya sa pensiyon ay ipatutupad upang maiwasan ang financial sa darating na panahon, iminungkahi ni Go na dapat itong i-apply sa mga bagong pasok.
“Ang mga bagong pasok, alam nila (ang mga) kondisyones, alam nila ang pinapasok nila, alam nila kung anong rules ang kanilang susundin. Let us spare the retired and active personnel bilang pagkilala sa sakripisyo na ginawa at ginagawa nila sa bayan. Konsuwelo na po para sa kanila,” anang senador.
Sa pagdinig, dalawang panukalang batas ng Senado ang napag-usapan: Senate Bill No. 284 na inihain ni Senator Jinggoy Estrada, at SBN 1421 na inihain ni Senator Ramon Revilla, Jr.
Ang SBN 284 ay layong pag-isahin ang sistema para sa separation, retirement, at pension ng military and uniformed personnel services. Sa kabilang banda, ang SBN 1421 ay naglalayong lumikha ng government-guaranteed insurance fund na pamamahalaan ng Government Service Insurance System upang masakop ang mga pangangailangan sa seguro ng new entrants sa uniformed services.
Samantala, iginiit ni Go ang paghahanap ng mga alternatibong pagkukunan ng pondo sa halip na pahirapan ang mga aktibong miyembro na nasa serbisyo sa pamamagitan ng mandatoryong kontribusyon o baguhin ang benepisyo sa pensiyon ng mga retirado.
“Pwede naman po sana, ayusin natin ang pagkolekta ng buwis at siguruhin natin na walang mapupunta sa korapsyon. Tanggalin natin ang korapsyon sa gobyerno.
Siguraduhing walang mga under the table sa pagkolekta ng buwis,” ani Go.
“Hinihikayat ko ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs na mangolekta ng buwis at customs duties nang maayos at mas mahusay. Ang pagtanggal ng katiwalian sa gobyerno ay sapat na upang masakop ang kinakailangang mga pensiyon,” dagdag niya. RNT