Home NATIONWIDE Bong Go sa SK execs: Maging huwarang mga pinuno

Bong Go sa SK execs: Maging huwarang mga pinuno

MANILA, Philippines- Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go  ang mga bagong pinuno ng Sangguniang Kabataan (SK) na magpakita ng magandang halimbawa sa kanilang pamumuno para sa mga susunod na henerasyon ng bansa.

Binigyang-diin ni Go ang potensyal ng mga opisyal ng SK bilang mga pinuno kasunod ng  Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kamakailan.

“Sa mga kabataan, kayo po ang kinabukasan ng bayang ito. Malay n’yo kayo po ang magiging senador, maging congressman, maging mayor, mga barangay captain, o presidente ng bansa someday,” sabi ni Go.

Idiniin ng senador na ang makabuluhang paglalakbay na nagsisimula sa karanasan bilang mga miyembro ng SK ay isang hakbang sa mas malalaking tungkulin sa pamumuno sa hinaharap. 

Kinikilala ni Go ang SK bilang pag-asa ng bansa at hinikayat silang ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng pagmamahal sa bayan at serbisyo para sa mga tao na siyang magtutulak sa kanila sa mas mataas na antas ng pangarap sa hinaharap.

“Kinabukasan kayo ng ating bayan at malayo ang inyong mararating basta unahin n’yo lang ang pagmamahal at pagseserbisyo sa kapwa ninyo kabataan nang may buong husay at katapatan. Iyan ang tandaan ninyo parati, unahin ang interes ng tao, interes ng bayan,” ipinayo ni Go.

Binati ni Go ang mga nanalo sa SK elections at pinaalalahanan sila pahalagahan ang responsibilidad na kaakibat ng serbisyo publiko. 

Muli niyang iginiit na ang pampublikong tungkulin ay isang pampublikong tiwala, na nangangahulugan na ang mga halal na opisyal ay dapat unahin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan, higit sa lahat.

Samantala, muling iginiit ni Go ang pangangailangang bigyang kapangyarihan ang barangay bilang pangunahing yunit ng pamamahala sa bansa.

Nangako siyang ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga hakbang na magbibigay sa mga opisyal ng barangay ng mas maraming pagkakataon na paunlarin ang kanilang kakayahan at ibigay sa kanila ang mga benepisyong nararapat.

Nanindigan si Go na ang mga opisyal ng barangay ay dapat makakuha ng maihahambing na benepisyo na ibinibigay sa mga empleyado ng gobyerno bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap na pagsilbihan ang kanilang mga nasasakupan. Ito ang nagbunsod sa kanya na maghain ng Senate Bill No. (SBN) 197, na nagmumungkahi ng paglikha ng Magna Carta for Barangays.

Naghain din ang senador ng SBN 427 na nag-uutos sa pagbibigay ng allowance at incentives sa barangay health workers, gayundin ang security of tenure at iba pang benepisyo kung ito ay maisasabatas. RNT

Previous articleComelec office sa Samar nagliyab!
Next articleMaricel, Iza at KC, magbabanggaan sa takilya!