Home NATIONWIDE Bong Go: SK breeding ground para sa current at future leader

Bong Go: SK breeding ground para sa current at future leader

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Christopher ‘Bong’ Go ang mahalagang papel ng Sangguniang Kabataan (SK) sa pag-develop ng mga kasalukuyan at magiging pinuno ng bansa.

“Natutuwa po ako na maraming SK noon na patuloy na naglilingkod sa bayan tulad ninyo… Ang inyong gobernador, ang inyong bise gobernador po ay puro mga (dating) SK rin po,” sabi ni Go sa reunion ng SK Batch 1 member ng Laguna, na ginanap sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, noong Linggo.

“Alam nila ‘yung problema sa baba at ang kanilang karanasan mula pagkabata ay naging gabay sila sa patuloy na pagseserbisyo,” dagdag niya.

Kasabay nito, ibinahagi ng senador ang kanyang mga isinusulong na panukala para palakasin ang gulugod ng lokal na pamamahala sa bansa.

Inihain ni Go ang Senate Bill No. 197, o ang Magna Carta for Barangay, upang ang mga opisyal ng barangay ay makatanggap ng katulad na benepisyo bilang mga regular na empleyado ng gobyerno.

Nangangahulugan ito na magiging karapat-dapat sila para sa mga suweldo at allowance, bukod sa iba pang perks.

Naghain din siya ng SBN 427 na layong mabigyan ng allowance at incentives ang barangay health workers, gayundin ng security of tenure at iba pang benepisyo kung ito’y maisasabatas.

Ibinida rin niya ang mga tagumpay ng Malasakit Center program, isang one-stop shop para sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ng gobyerno, na pangunahin niyang inakda at itinaguyod sa Senado.

“Lapitan n’yo lang po ‘yan, para po ‘yan sa Pilipino,” ani Go.

Ang mga residente sa Laguna ay maaaring makakuha ng tulong-medikal mula sa Malasakit Centers sa San Pablo City General Hospital o Laguna Medical Center sa Sta. Cruz.

Sa ngayon , 159 Malasakit Centers ang operational sa buong bansa at nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino.

Nangako ang senador na susuportahan ang pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers sa buong bansa na idinisenyo bilang medium-type polyclinics na may kakayahang pangasiwaan ang iba’t ibang pangunahing serbisyong medikal.

Sa Laguna, 13 Super Health Centers ang itatayo. Mahigit 700 Super Health Centers ang pinondohan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagsisikap ni Go, DOH, LGUs at kapwa mambabatas. RNT

Previous articlePagsasabatas ng Tatak Pinoy Act, aayuda sa development plan ng PH – Angara
Next articleRebeldeng taga-Maynila patay sa engkwentro ng militar sa Cagayan