Home NATIONWIDE Bong Go: Tulong muna sa sunog, bago Sinulog

Bong Go: Tulong muna sa sunog, bago Sinulog

MANILA, Philippines- Inuna muna ni Senator Christopher “Bong” Go, noong Linggo, na tumulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog kamakailan sa Barangay Quiot Pardo, Cebu City bago siya dumalo sa imbitasyong lumahok sa Sinulog Festival.

Sa pagbibigay-prayoridad sa gawaing pagtulong na ito, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtugon sa mga kagyat na pangangailangan ng mga mahihirap na nasa gitna ng krisis.

Ayon kay Go, nakalulungkot na makita ang ating mga kababayan na nagpapalipas ng oras sa isang evacuation area habang ang iba ay nagdiriwang ng Sinulog.

“That is why I prioritized assisting them during my visit. Hindi kumpleto ang pagbisita ko kung hindi ako makapag-iiwan ng konting kasiyahan sa panahong malungkot sila,” ani Go.

Nagtungo sa Cebu si Sen. Go matapos imbitahan ni Mayor Mike Rama na lumahok sa Sinulog Festival.

Matatandaang noong nakaraang linggo, Enero 14, personal ding bumisita at nagbigay ng tulong si Go sa mga nasunugan sa Brgy. Carreta sa Cebu City bago sumama sa “Sinulog sa Lalawigan Grand Showdown” sa Cebu City Sports Complex sa imbitasyon ni Gobernador Gwen Garcia.

Sa pagkakataong ito, ginanap ang relief activity sa Quiot National High School kung saan tinulungan ni Go at ng kanyang Malasakit Team ang nasa 38 pamilyang biktima ng sunog.

“Hindi ko palalagpasin na makatulong man lang sa inyo, makapag-iwan ng kaunting tulong at makapag-iwan ng kaunting kasiyahan sa panahon ng inyong pagdadalamhati. Alam ko mahirap ang masunugan lalo na ngayon na nakikisaya ang lahat sa Sinulog,” sabi ni Go sa mga residente.

Binanggit ni Go na kasalukuyang sumasailalim sa modernisasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP). Sa ilalim ng Republic Act No. 11589, na pangunahing isinulat at itinaguyod ni Go sa Senado, tinitiyak ng modernization program na ang BFP ay nakahanda sa pagtugon sa mga sunog.

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng pamumuhunan sa healthcare at bilang chairperson ng Senate committee on health and demography ay tinututukan at isinusulong niya ito ngayon.

Kasabay nito, hinimok ni Go ang mga Cebuano na kung kailangan ng tulong sa serbisyong medikal ay lumapit sila sa alinmang Malasakit Center sa lungsod na matatagpuan sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), St. Anthony Mother and Child Hospital, at Cebu City Medical Center (CCMC).

Ang programang Malasakit Centers na pinasimulan ni Go, ay isang one-stop shop na nag-aalok ng tulong para sa mga pasyenteng may poroblema sa pananalapi upang malampasan ang kanilang mga gastos sa medikal.

Ang iba pang Malasakit Centers sa lalawigan ay matatagpuan sa Cebu Provincial Hospital sa Carcar City, Lapu-Lapu City District Hospital, Eversley Childs Sanitarium and General Hospital sa Mandaue City, at Talisay District Hospital sa Talisay City.

Sinuportahan din ni Go ang pagtatayo ng Super Health Centers sa buong bansa kabilang ang 21 sa lalawigan ng Cebu. RNT

Previous articleResupply mission sa Ayungin Shoal ipinagpaliban – AFP
Next articleP132M ilegal na droga nasamsam ng awtoridad sa pagpasok ng 2024