Home OPINION BOSS IRONMAN MOTORCYCLE CHALLENGE, MAPANGANIB

BOSS IRONMAN MOTORCYCLE CHALLENGE, MAPANGANIB

MAY taglay na panganib o risk ang bawat aktibidades. Hindi ito mawawala dahil sa kaakibat na mga hazard. Sa larangan ng health and safety, tinatawag nating hazard ang anomang bagay, sangkap, enerhiya, proseso o work practice na magdudulot ng pinsala.

Katulad na lamang ng motorcycle and automobile endurance event na inorganisa sa Luzon kamakailan ng BMW Owner’s Society of Saferiders (BOSS) Motorcycle Challenge o BIMC na nilahukan ng napakaraming motorcycle enthusiasts. Sa kabila ng magandang layunin at matagumpay na paglulunsad ng nasabing event, nagkaroon pa rin ng aksidente na kinasangkutan ng ilang lumahok at motoristang hindi kasali sa event.

Sa katunayan, nag-viral sa social media ang ilang insidente nang salpukan ng mga motor at ang pananakit ng ilang rider sa ilang nanonood na mga kababayan.

Hindi pa maliwanag sa atin ang naging dahilan at konklusyon sa mga kumalat na video pero sana naman ay naresolba nang maayos ang anomang gusot at aberya sa mga kasong ito.

Malinaw ang naging patakaran ng BIMC na hindi ito karerahan ng motorcycle at automobile kundi isa lamang endurance event.  Sa kanilang sistema, tatahakin ng mga kasali ang napag-usapang ruta sa Luzon na tinatayang nasa 1,200 KM sa loob ng 24 hours. Tatawaging “Finisher” ang sinomang makagagawa nito.

Pero siyempre kailangang sumunod ang bawat kalahok sa mga patakaran sa trapiko habang binabagtas ang ruta. Kaya naman nakatulong ang obligadong paglalagay ng GPS sa bawat motorsiklo at sasakyan para ma-monitor ang kanilang speed, lokasyon at sitwasyon. Diskwalipikasyon ang ipinataw sa sinomang lumabag. May pananagutan naman sa batas ang mga nasangkot sa insidente. Nakahanda naman ang BIMC sa pag-agapay sa mga kalahok, kasabayang motorista at mga manonood na nagtamo ng sugat o property damage dahil sa aksidente.

Para sa atin, maganda ang ganitong event pero kailangang sa BIMC manggaling ang sagot sa ating mga katanungan.

May dokumentado bang risk assessment para sa event? Kung endurance event ito,  nag-require ba sila ng medical examination para masigurong physically and mentally fit ang bawat kalahok? May vehicle inspection kaya sa bawat checkpoint para masigurong road worthy pa rin ang bawat motorsiklo at sasakyan? Sapat ba ang mga babala at anunsiyo para sa mga kababayan nating maaapektuhan ng ruta? Bukas po ang ating kolum para mahingan ng kanilang panig ang pamunuan ng BIMC.

Congratulations po sa mga finisher ng BOSS 2024 endurance challenge.

Previous articlePESO HELP DESK SET UP IN NAVOTAS SCHOOLS
Next articleP90M combined lotto jackpot ‘di naiuwi