MANILA, Philippines- Naniniwala si Novaliches Bishop Roberto Gaa na hindi pa lubos na natututo ang mga botante sa pagpili ng mga karapat-dapat na pinuno ng pamahalaan.
Ayon kay Bishop Gaa, marami pa rin ang binase ang kanilang pagpili ng ihahalal sa popularidad, kamag-anak at mga kakilala.
“Parang in-process po siya. Pero sa ngayon po sa tingin ko po ay hindi pa rin ganun ka-mature ang ating mga bumuboto dahil nga po ay nadadala pa rin sila sa popularity. Hindi tayo tumitingin masyado sa track-record. Kasi para sa akin track-record ang pinaka-importante nating tingnan sana ng mga bumuboto. Kasi sinasabi nyan kung paano na siya naglingkod,” ayon kay Bishop Gaa sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radyo Veritas.
Iginiit ng obispo sa pamamagitan ng track record ay makikita kung paano ang buhay-paglilingkod ng mga kandidato bilang bahagi ng pamayanan.
Hinimok ng obispo ang bawat isa na patuloy na maging mapagmatyag at bantayan ang bagong halal na opisyal sa kanilang mga gawain at ang ipinangakong tungkulin sa nasasakupan.
“Iyong monitoring at pagsubaybay sa ating mga kandidato, tinutupad ba nila yung kanilang ipinangako? Maayos ba ang kanilang gawa? Yung kanilang proyekto, tama ba ang paggastos ng pera?” ayon pa kay Bishop Gaa.
Mahalagang bahagi umano ang pakikilahok ng mamamayan sa good governance na mabantayan at mapanagot ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden