Home NATIONWIDE BRC probe vs katiwalian sa Marcos admin, walang sasantuhin – Pia

BRC probe vs katiwalian sa Marcos admin, walang sasantuhin – Pia

MANILA, Philippines – Tiniyak ng kauna-unahang babaeng naitalaga bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na hindi sasantuhin ang isasagawang imbestigasyon sa anumang katiwalian at pagkakamali sa Marcos administrasyon upang makalikha ng batas at mapuna ang mga opisyal nito.

Inihayag ito ni Senador Pia Cayetano matapos pormal nang umupo bilang chairman ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations o Blue Ribbon Committee kamakailan.

Ayon kay Cayetano, madalas marinig ang komite kapag may bagong kontrobersiyang binabakbakan, ngunit tila kakaunti lang talaga ang nakakaalam kung ano ang papel nito.

“Sa totoo lang, napakahalaga ng Senate Blue Ribbon Committee — na ang formal name ay— Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations dahil ito ang nagsisilbing watchdog laban sa katiwalian ng mga opisyal ng pamahalaan,” ayon kay Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na walang sasantuhin sa sinumang opisyal ng administrasyon upang ipatawag kabilang ang mga saksi at mangolekta ng dokumento, at pagkatapos ng pagdinig, maghahain ng rekomendasyon na kaso laban sa sangkot na tiwaling opisyal.

Maghahain naman ang Senado ang isang panukalang batas upang hindi maulit ang katiwalian o sa sinasabing “plugging the loopholes” sa sistema ng pamahalaan.

“Para sa marami, kritikal ang komite sa pagtitiyak na nagagampanan ng tama ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno,” aniya.

Ayon kay Cayetano, mahalaga ang komite upang upang masugpo ang katiwalian at mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno.

“Ngunit sa kabila nito, mayroon ding mga bumabatikos at nag-aalalang baka maabuso ang komite para sa pulitikal na interes. Imbes na “in aid of legislation,” nagiging “in aid of reelection” daw.”

“Dahil diyan, napakahalagang ang uupong chairman ay isang senador na talagang mapagkakatiwalaan, y’ung may track record na hindi nang-aabuso ng posisyon. Wala dapat bakas ng katiwalian at hindi nasangkot sa kahit anong kontrobersiya ang magiging chairman nito,” paglalahad ng senadora.

Kilala bilang “Ate Pia”, si Cayetano ang kauna-unahang babae na hahawak ng komiteng ito at tumanggap ng responsibilidad na tutukan ang mabibigat na kaso.

Aniya, maraming resibong magpapatunay na puwedeng balikan tulad ng mga nakaraang pagdinig upang makita na wala itong inaatrasan at walang pinapalampas.

“Pero sa lahat ng ito, maaasahan din akong maging balanse. Marunong makinig at handang bigyan ng pagkakataon ang lahat na maglatag ng panig nila, hindi tulad ng ilang senador na bully,” ani Cayetano.

“Kritikal ito sa trabaho ng Blue Ribbon Committee — hindi maaaring isang panig lang ang papaburan ng hearing dahil hindi lalabas ang katotohanan. Kaabang-abang ang mga susunod na hakbang ng Blue Ribbon dahil umaasa tayong may saysay ang mga ito — para sa mamamayan at bayan. Sawa na tayo sa pulitikang walang katuturan. Ang kailangan na natin ay mambabatas na lumalaban ng patas,” giit ni Cayetano. Ernie Reyes

Previous articleMga ipinapasadang e-trike hinuhuli na sa Taguig
Next articleDrug stores, kinalampag sa pagpapatupad ng VAT exemption sa piling gamot