MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Armed Forces Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr. na isang barko ng China ang tumutok sa barko ng Pilipinas sa resupply mission nito sa West Philippine Sea.
Ang Chinese warship 630 ay sumulpot at nagmasid sa BRP Laguna habang nagsasagawa ito ng resupply mission sa Pag-asa Island sa Kalayaan Group of Islands malapit sa Palawan na nasa loob pa rin ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Bagama’t madalas umano ang presensya ng mga barko ng China sa lugar, nataon naman ang pinakahuling insidente sa matagumpay na resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Umalis ang BRP Laguna sa Palawan patungong Pag-asa Island noong Martes ng gabi, Agosto 22 ilang oras matapos ang resupply mission sa Ayungin, dala ang mga suplay at mga returning resident ng Pag-asa Island.
Sa kasagsagan ng biyahe ay nagka-aberya pa ito dahilan para maudlot ng isang araw ang pagdating nito sa isla.
Habang nasa dagat, nakasabay nito ang ilang barko ng China katulad ng isang warship na may numerong 630.
Ayon sa source ay binuntutan ang BRP Laguna hanggang makarating sa Pag-asa Island nitong Sabado ng hapon.
Nasa 10 Chinese vessels din ang nasa lugar ayon pa sa source.
“We continue to condemn the coercive and dangerous tactics of the Chinese Coast Guard and the Chinese Maritime Militia in the South China Sea. We call on them to follow the Rules-Based International Order,” saad sa pahayag ni Brawner kaugnay nito. RNT/JGC