Home NATIONWIDE BRP Sierra Madre mabilis na nabubulok – DND

BRP Sierra Madre mabilis na nabubulok – DND

MANILA, Philippines – KAILANGAN na agad na kumpunihin ang World War II-era Philippine navy vessel na BRP Sierra Madre dahil kapansin-pansin ang mabilis na pagkabulok, kalawangin at pagkasira nito.

Ang BRP Sierra Madre ay sadyang nakasadsad sa Second Thomas (Ayungin) Shoal mula pa noong 1990s.

Sinabi ni Defense Senior Undersecretary Ireneo Espino na kailangan ng ayusin ang BRP Sierra Madre kasunod ng kamakailan lamang na re-supply operations at bilang tugon na rin sa panawagan ng China na alisin ang nasabing barko.

“The deterioration is faster than the supply that we do to Ayungin. I mean mas mabilis masira,” ani Espino.

Ito aniya ang dahilan kung bakit patuloy ang ginagawang “rotation at reprovisioning missions” ng Pilipinas sa mga sundalo na lulan ng ng BRP Sierra Madre sa kabila ng ginawang pagpapatigil ng Chinese militia.

Sa ulat, ang BRP Sierra Madre ay ginawa ng Missouri Valley Bridge & Iron Company sa Evansville, Indiana at bininyagan noong October 27, 1944 sa pangalang USS LST-821.

Pormal itong kinumisyon o pinagtrabaho November 14, 1944, World War 2, bilang US Tank landing ship.

Sinabi ng US Naval Institute, ni-rename itong USS Harnett County noong July 1,  1955.

Matatandaang, noong Oktubre 12, 1970, idinestino ito sa Vietnam War bilang helicopter gunship base na may pangalang RVNS My Tho.

Sinasabing Abril 5, 1976, inilipat ito sa Pilipinas at pinangalanang BRP Sierra Madre.

Sinadya itong idinaong ng pamahalaan sa Kulumpol ng Ayungin o Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal) noong 1999 bilang forward outport o outpost ng Philippines Marines para bantayan at pigilan ang galawan at expansion ng China aggression.

Nagsisilbi naman itong responde ng Pilipinas sa pagsakop ng China sa kalapit na Bahura ng Panganiban or Panganiban Reef (Mischief Reef) na ginawang artificial island at pinostehan ng kanilang militar para igiit ang kanilang ilegal na pag-angkin.

Samantala, ang Ayungin Shoal ay parte ng Exclusive Economic Zone at continental shelf ng Pilipinas.

Ito ay matatagpuan sa Spratly Islands na 200 kilometers lang ang layo sa western island ng Pilipinas na Palawan. Pero, 1000 kilometers naman ang layo nito sa pinaka-major land mass ng China, ang Hainan Island.

Importanteng malaman na walang lupang matatagpuan sa ibabaw ng dagat ng Ayungin at ang matandang barko ay nakatambay lang sa mga batuhan ng dagat West Philippines. Kris Jose

Previous articleDICT: Pag-upload ng larawan ng hayop sa SIM registration, isang krimen!
Next articlePBBM, muling inimbitahang bumisita sa France