Home NATIONWIDE BSKE 2023 maraming winasak na relasyon

BSKE 2023 maraming winasak na relasyon

MANILA, Philippines – Maraming relasyon na pinatagtag ng panahon ang umanoy nawasak sa katatapos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 nitong Oktubre 30.

Ito ang nagviral ngayon sa social media o kumalat sa mga Facebook post sa Central Luzon partikular sa Bulacan at posibleng nangyari rin sa iba pang mga lugar sa bansa.

Ayon sa impormasyon, may mga kandidatong nagconcede o umamin nang pagkatalo at nakasundo na ang nakalaban pero marami pa rin ang mga followers o tagasunod nila ang magkaka-away hanggang ngayon.

Pinatuyan ito nang dagsain ng mga comment ng netizen ang nagviral na Facebook post kamakailan sa Bulacan na: “Kaway-kaway sa mga magkakaibigan, magkamag-anak at magkapitbahay na pinagtibay ng panahon pero sinira ng eleksyon.”

Ilan sa posibleng dahilan kung bakit nagagalit ang mga talunang suporter ay ang posibleng pamimili umano ng boto, puwersahang pinagsolo-vote ang angkan, hindi umano pinaboto ang binayaran, nanira ng kalaban at ang patuloy na patutsadahan sa Facebook.

Anila, dalawang taon lang naman ang pagsisilbi ng mga nanalong kandidato kaya dapat nilang paghusayan para manalong muli.

Kaugnay nito, naging maiinit din ang naging bakbakan ng mga Bulakenyong netizen sa kasagsagan ng kampanyahan kung Yes o No ang dapat iboto para maging Highly Urbanized City ang San Jose Del Monte.

Sa kabila nito, pangkalahatang naging mapayapa naman ang naturang eleksyon sa Central Luzon bagamat may hindi inaasahang napabalitang vote buying sa lalawigan ng Bulacan, ayon na rin sa mga awtoridad. Dick Mirasol III

Previous articleDenise, may mensahe sa 3:16 Media Network!
Next articleTulak ng damo swak sa selda