Home HOME BANNER STORY BSKE sa Abra, nabalot ng takot; 122 kandidato umatras!

BSKE sa Abra, nabalot ng takot; 122 kandidato umatras!

ABRA- NABALOT ng takot ang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKEs) sa lalawigan ito matapos umatras ang 122 kandidato habang nasa 44 naman na mga guro ang nabitaw na magsisilbi sana ng mga Board of Election Inspectors (BEIs), dahil sa umano’y mga insidente ng pananakot at naganap na pamamaril-patay kamakailan.

Sa pahayag ni Abra Provincial Election Officer Atty. Mae Richelle Belmes, nitong Lunes, nagsumite siya ng kanyang report sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa tensyon namumuo sa ilang bayan ng naturang lalawigan.

Aniya, ang bayan ng Bucay, Pilar, at Bangued, diumano’y may terorismo at pananakot sa mga naghain na ng kanilang certificate of candidacy, at inilagay na niya sa yellow category ang Abra dahil sa matinding tunggalian sa pulitika.

Sa kabuuang bilang ng mga gurong umatras sa mga tungkulin sa halalan, 13 ang nagmula sa Bucay, 14 mula sa munisipalidad ng Pilar, na inilagay sa ilalim ng kontrol ng Comelec noong 2022 election; tatlo sa Lagayan; anim sa Lagangilang kung saan may matinding tunggalian sa pulitika; at walo sa kabiserang bayan ng Bangued.

Sinabi rin ni Belmes na hindi bababa sa 122 na kandidato para sa iba’t ibang posisyon at mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ang nag-withdraw ng kanilang certificates of candidacy (COC).

Sinabi ni Belmes na nakapagsanay na sila ng 41 pulis na magsisilbing special election officers at 33 pa ang magsasanay, kaya umabot na sa 74 ang bilang ng mga pulis na papalit sa mga guro.

Sinabi niya na ilan sa mga guro na nag-withdraw ng kanilang intensyon na maglingkod ay iniulat na binato ang kanilang mga tahanan.

“Sa insidente sa Bucay ngayon, hiniling ko sa municipal police ng Bucay na muling suriin para mapalitan natin ang status ng bayan,”ani Belmes.

Tinukoy ni Belmes ang palitan ng putok na naganap sa pagitan ng mga pulis at ilang lalaki na may bitbit na matataas na armas noong Lunes ng madaling araw na ikinamatay ng isang lalaki.

“Tinitingnan ito ng pulisya kaya humihiling kami ng augmentation mula sa Maynila para sa karagdagan pulis na nagbabantay sa nalalapit na BSKE,” ani Belmes.

“Wala rin naglalakas-loob na magsumbong sa mga pamilyang nahaharass sa takot na rin sila ay balikan,” pagtatapos pa ni Belmes./Mary Anne Sapico

Previous articleMenor na rapist tiklo sa paggahasa sa nene
Next article2 Pinoy kumpirmadong sugatan sa giyera sa Israel