MANILA, Philippines – Makikipag-ugnayan na ang Bureau of Corrections sa mga forensic experts ng University of the Philippines sa paghuhukay ng ikalawang septic tank sa New Bilibid Prison, sinabi ni BuCor director-general Gregorio Catapang Jr. nitong Lunes, Hulyo 31.
“This morning makikipag-usap kami, makikipag-ugnayan kami sa UP Forensics kung papaano namin huhukayin ‘yung second septic tank,” sinabi ni Catapang sa panayam ng DZBB.
Ang pakikipag-ugnayan sa UP Forensics ay batay sa utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
“Nu’ng nag-usap kami ni secretary last Friday, ang sabi niya, ‘Di ‘wag mo muna pagawa, pagalaw ‘yung another septic tank, ‘yung karugtong na septic tank. Forensics na ang papasok diyan, UP forensics,’” dagdag pa ni Catapang.
Noong nakaraang linggo, matatandaan na sinabi ni Remulla na isang pugot na katawan ang natagpuan sa loob ng septic tank sa NBP.
Aniya, ang katawan na ito ay mula sa isang person deprived of liberty na iniulat na nawawala noon pang Hulyo 15.
Ayon kay Catapang, ang National Bureau of Investigation (NBI) ang lead agency na humawak sa kaso ng pugot na bangkay na natagpuan sa unang septic tank ng Bilibid.
Hindi pa niya makukumpirma kung isang katawan lamang ang inilagay sa naturang septic tank.
“’Pag nakakuha pa tayo ng iba-ibang buto-buto, mapipilitan akong i-review ‘yung sinasabi nila. May mga report dito na missing o tumakas.”
Siniguro naman ni Catapang na tatapusin na ang ganitong kultura sa kanyang pamumuno.
“Gusto ko kasi tapusin na ‘yang issue ng mga septic tank—‘yung binabaon ‘pag nagkamali, diyan ililibing. Once and for all, lahat ng septic tank bubuksan natin tapos aayusin na rin natin ang septic tank kasi punong-puno na e, umaapaw na e, nangangamoy na,” ani Catapang.
“Itutugma-tugma natin ‘yan ‘pag may nakuha pa tayong buto-buto diyan… Yung kultura na ganyan, ayoko na sa term ko. Ayoko ng [person deprived of liberty] ‘pag ‘di sila nagka-intindihan, titirahin nila ‘yung kasamahan nila tapos ilalagay kung saan diyan tapos ide-declare naman na missing o nakatakas. ‘Yun pala naibaon na,” pagpapatuloy niya.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na maranasan ang ganitong insidente mula nang maitalaga siya sa pwesto siyam na buwan ang nakararaan.
“First time lang ‘to. Nagtataka ako [kasi] after nine months na nanungkulan ako, walang problema. Napag-ayos ang pangkat. Nagkaisa na sila, may sarili silang gobyerno,” sinabi ni Catapang. RNT/JGC