Home OPINION BUILDING PERMIT MUNA BAGO KONSTRUKSYON

BUILDING PERMIT MUNA BAGO KONSTRUKSYON

ISANG inspirasyon para sa mga tulad nating safety and health advocate ang pagresponde kamakailan ni Pasig Mayor Vico Sotto sa isang construction site sa kanyang lungsod.

Napanood natin sa isang YouTube channel account na <Pasigueña> ang pagkagulantang ng isang tauhan ng sikat na kontraktor sa pagbisita at pagberipika ni Mayor Sotto sa building permit para sa itinatayong istraktura. Doon nakumpirma niya dahil na rin sa pag-amin ng naturang tauhan ang kawalan ng building permit na napakahalagang papeles para masigurong nasusunod ang pamantayan ng umiiral na National Building Code.

Kalmadong ipinaliwanag ng alkalde ang kahalagahan ng kumpletong dokumento at ang kasong kriminal na maaaring kaharapin kung  basta na lang maisasantabi. Pinaalalahanan din ng butihing mayor ang kotraktor na hintayin munang ma-release ang papeles bago sila magpatuloy sa mga aktibidades. Ang galing mo talaga Mayor Vico, MABUHAY KA!!!

Ito ang sinasabi natin lalo na sa mga kababayan nating nagpapagawa ng bahay, building o anomang istraktura dahil napakadelikado nito. Sa katunayan, kabilang ang construction activities sa listahan ng tinatawag na high risk establishment ng labor department.

Hindi lamang ito ang papeles na kailangan kapag may proyekto. Nariyan din ang pangangailangan sa Construction Safety and Health Program o CSHP para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga taong magtatrabaho sa lugar.

Totoo ‘yan, dear readers. Naging kultura kasi ng ilang contractors na pasimulan na agad ang trabaho habang ipinoproseso ang mga dokumentong kailangan.

Ito rin ang dahilan kung bakit mahigpit ang Department of Labor and Employment sa pagberipika ng mga papeles ng construction companies lalo na sa usaping safety and health para sa lahat ng mga trabahador.

Kailangang kumpleto muna ang mga kailangan sa project site tulad ng pagkakaroon ng competent na safety officer, nurse, first aider at iba pa bago pasimulan ang konstruksyon.

Mahirap kasi kung kulang kulang. Kapag ganito ang sitwasyon,  walang garantiya na maipagkakaloob ang bawat karapatan ng isang manggagawa.

Kaya para sa mga owner, project manager, supervisor at iba pa, asikasuhin muna ang mga kailangang papeles para protektado hindi lamang ang mga empleyado at officers, kundi pati na rin ang business owner, ang kalikasan at ang buong kompanya.

Previous articlePDEA AGENTS INIIMBESTIGAHAN SA TANIM EBIDENSYA
Next articleEO-41 NI PBBM, SINASALAULA’T BINABABOY (Last Part)