Home OPINION BUKINGAN SA CHACHA NG MAGPINSAN

BUKINGAN SA CHACHA NG MAGPINSAN

MATATAWA ka ba o maiinis o dedma ka lang sa bukingan ukol sa pagsusulong ng Charter Change o pagbabago sa ating 1987 Konstitusyon?

Nauna kasing nabuking ang pagkilos umano ng mga mamamayan para magkaroon ng nasabing pagbabago sa Konstitusyon sa bisa ng People’s Initiative o PI.

Pero nabuking ito nang may magmarites mula sa mga hinihikayat na sumali sa PI kapalit ng P100 at iba pang mga pangakong benepisyo kung sakaling magtagumpay ang PI.

Ngayon naman, mismong si Senador Imee Marcos ang nagsasabing malamang na ang pinsan niyang si House Speaker Martin Romualdez ang may pakana sa PI at ngayo’y hindi na lang P100 kundi aabot sa P1,000 ang bigayan para pumirma ang mga tao sa mga umiikot na papel na pipirmahan para sa PI.

Kapag pumirma ka, ayuda ang nasabing mga halaga at aasa ka pa ng ibang mga benepisyo sa susunod na mga panahon.

Sabi ni Manang Imee, “Ang problema, lahat ng staff, ‘yung mga pangalan na nagte-text sa mga tao, tapos ‘yung mga number ay mga staff ng Speaker, so hindi mo masisisi ‘yung tao na siya ‘yung tinutumbok.”

PUMAPALAG

Itong si Act Teachers Party-list Representative ay nagsabing mananawagan siya ng imbestigasyon ukol sa usapin.

Sa tingin niya, iligal ang pamimigay ng ayuda o regalo ng pamahalaan sa mga pumipirma sa PI campaign.

Kasama sa mga pumapalag din si Senate Minority Leader Koko Pimentel at tinawag niya ang nagaganap na “bribed initiatives.”

Mismong si Manang Imee, nagsabing ipare-rebyu nito ang Republic Act 6735 na batas sa People’s Initiative.

Kasabay ito ng kanyang babala na huwag abusuhin ang mabait na si Pangulong Bongbong Marcos dahil kapag napuno na ang salop, mataray rin umano ito.

ANONG NILALAMAN?

Hindi pa malinaw, mga Bro, kung ano ang gustong pagbabago sa Konstitusyon ang nais na isulong ng mga nagpapapirma ng PI.

Kung pang-ekonomiya na “ikauunlad ng mga mamamayan o ikabubuti ng gobyerno”, hindi malinaw.

Halimbawa ang pagbibigay ng karapatang mag-may-ari ng lupa sa mga dayuhan na magnenegosyo sa bansa at lilikha lang ng mga trabaho para sa mga Pilipino ngunit dekadang hindi magbabayad ng buwis sa matagal na panahon bilang insentibo.

Kung pampulitika, gaya ng pagkawala, halimbawa, ng term limit ng lahat ng posisyon sa gobyerno na dinaraan sa halalan, wala ring sinasabi.

Wala ring binabanggit kung buburahin na rin ang salitang dinastiya sa Konstitusyon para magpatuloy ang paghahari ng mga magkakamag-anak na politiko mula sa Sangguniang Kabataan at Barangay Council hanggang sa mayor, gobernador, konsehal, bokal, kongresman, senador at Presidente.

Ano nga ba ang nilalaman ng PI?

Ano nga ba ang nasa isipan ng mga nagsusulong nito at ganoon na lang sila kaatat sa pagretoke sa Konstitusyon?

 

Previous article‘MAKE AN OFFER’ NG TNVS
Next articleLotto Draw Result as of | January 15, 2024