MANILA, Philippines – Sumuko na sa mga awtoridad ang isang buntis na New People’s Army combatant sa Marawi City.
Sa pahayag nitong Biyernes, Agosto 4, kinilala ng Army 103rd Infantry Brigade (103rd IBde) ang surrenderer na si “Janella,” isang squad medic sa unit na nasa ilalim ng North Central Mindanao Regional Committee ng NPA.
Si Janella ay walong buwang buntis.
Personal na nagtungo ang NPA combatant sa headquarters ng 103rd IBde sa Marawi City.
Pinuri naman ni Maj. Gen. Antonio Nafarrete, Joint Task Force ZamPeLan commander, ang hakbang ng 55th Infantry Battalion at intelligence units sa pagsuko ng rebelde.
Sa initial debriefing, sinabi ni Janella na sumuko na siya dahil sa hirap na nararanasan sa pagkilos ng communist rebel dahil sa tuloy-tuloy na mga military operation.
Ayon naman kay Lt. Gen. Roy Galido, commander ng Western Mindanao Command, mananatili silang alisto sa kanilang pagtugon sa mga tungkulin bilang suporta sa Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
“My commendations to the JTF ZamPeLan for their relentless efforts to end terrorism and violent extremism in their area of operation,” ani Galido. RNT/JGC