Home OPINION BUWIS BUHAY ANG OPEN PIT MINING

BUWIS BUHAY ANG OPEN PIT MINING

HINDI pa rin nahihimasmasan ang mga kinauukulan kaugnay sa epekto ng malawakang open pit na pagmimina sa bansa sa kabila nang pagbubuwis ng buhay ng mga kababayan natin.

Bago pa man naganap ang malagim na trahedya sa Maco,Davao de Oro kamakailan kung saan umabot na sa 98 katao ang nasawi, marami na ang napaulat na pagguho ng lupa sa iba’t-ibang lugar dulot ng walang puknat na pagbuhos ng ulan.

At sa tuwing binabayo ng Shearline at LPA ang ilang bahagi ng bansa, hindi rin nawawala ang pangamba ng residente sa palibot ng mga lugar na isinasagawa ang malawakang pag-giba ng kabundukan dahil sa open pit mining na ‘yan.

Sa totoo lang,mistulang pain sa buwaya ang komunidad na ito kapag walang tigil na ang ulan na sanhi naman ng pagbaha na nagdudulot ng pagguho ng lupa tulad ng nangyari sa Maco na kumitil sa buhay ng karamihan sa mga trabahador mismo ng Apex Mining.

Sabihin man na kumikita ang pamahalaan sa excise taxes na ibinabayad ng mga kompanya subalit katumbas ba ito ng buhay ng mga namatay sa malagim na trahedyang kung susuriin ay ang labis na pagkalkal ng ginto na ‘yan ang dahilan?

Ilang kompanya kaya sa bansa ngayon ang walang pakundangang tinatabas ang kabundukan at walang pakialam kung malunod man ang mga nakatira sa paanan nito na sadyang pagpapayaman lang sa pamamagitan ng pagkalkal ng ginto’t iba pang mineral?

Susmaryosep, kung bubungkalin natin ang rekord ng mga kompanyang ‘yan tulad ng Apex, hindi naman sumusunod sa itinakdang alituntunin ng responsableng pagmimina ng gobyernong madalas ay isinasantabi ang seguridad ng komunidad at mga trabahador nitong tanging ang nasa utak ng may-ari ay kumita nang kumita.

Hindi ba’t dati nang sinuspinde ang Apex noong panahon ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez bunsod sa mga paglabag nito sa batas ng kalikasan?

At mas lalo sa usapin ng social responsibility kung saan kakarampot lang ang ibinibigay na tulong nila sa ilang libong minerong nawalan ng pinagkikitaan dahil sa open pit na ‘yan.

Unawa natin ang saloobin ng gobyernong kailangan kumita para pondohan ang pangkalahatang pagkakagustusan ng bansa ngunit makatuwiran pa ba na largahan ang ganitong uri ng hanapbuhay na kumitil na ng buhay ng libo-libong mamamayan?

Previous articleADIK KA BA SA GADGETS? 
Next articleKamara magpupulong bilang Committee of the Whole sa pagtalakay sa RBH 7