Home NATIONWIDE CAAP: Higit 2M air passengers inaasahan ngayong Disyembre

CAAP: Higit 2M air passengers inaasahan ngayong Disyembre

MANILA, Philippines- Nasa 2.2 milyong pasahero ang inaasahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ngayong buwan sa gitna ng holiday rush travel surge kung saan tiniyak nila sa publiko na handa itong dagdagan ang tulong sa mga paliparan na pinapatakbo nito.

Ayon sa tagapagsalita ng CAAP na si Eric Apolonio, ang mga pasahero na maaaring nangangailangan ng tulong o may mga katanungan ay maaaring makipag-ugnayan sa mga help desk sa mga paliparan.

Sinabi ni Apolonio na dapat pumunta sa mga help desk ang mga pasaherong may reklamo.

Nabatid na ang lahat ng 44 na paliparan ng CAAP ay nasa heightened alert, katuwang ang Philippine National Police Aviation Security Group at ang Office for Transportation Security.

Aniya, tinatayang 2.2 milyong pasahero ang inaasahang gagamit ng mga paliparan ng CAAP ngayong Disyembre, na inaasahang 7 hanggang 10 porsiyento sa dami ng pasahero taon-taon.

Napag-alaman na umabot sa 2 milyong pasahero sa mga paliparan ng CAAP noong Disyembre 2022.

Samantala, para maiwasan ang abala, pinaalalahanan ni Apolonio ang publiko na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay sa kanilang hand-carry luggage.

Hinikayat din ni Apolonio ang mga pasahero na dumating sa paliparan ng hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang paglipad. JAY Reyes

Previous article3 nagbebenta ng ‘pekeng’ MMFF tickets tiklo!
Next articleSinigang swak sa 100 Best Dishes in the World ng TasteAtlas