MANILA, Philippines – Nakaranas ng minor infrastructure damage ang Calatagan, Batangas, sentro ng tumamang magnitude 6.3 na lindol nitong Huwebes, Hunyo 15.
Ayon kay Calatagan Mayor Peter Oliver Palacio, nakapagtala ng maliliit na cracks sa mga gusali sa kanilang bayan matapos ang lindol.
“Base po sa kanilang pag-iikot ay wala naman pong mga major damage so, mga minor minor cracks po lang,” pagbabahagi ni Palacio sa panayam ng TeleRadyo.
Wala namang nasawi o nasugatan sa lindol.
Anang alkalde, nasunod naman ng kanyang mga nasasakupan ang tamang earthquake safety procedures, dahil katatapos lamang ng kanilang regular na earthquake drills.
“Sariwa pa po sa mga school kasi katatapos lang po ng ating quarterly drill,” pagbabahagi niya.
Samantala, sa kalapit na lugar na Lubang Island, Occidental Mindoro, dalawang tirahan naman ang napinsala sa lindol.
“Isa sa Barangay Maginhawa, na kung saan lumang bahay naman po ito, tabi ng dagat, at sa Barangay Araw at Bituin, tabing-dagat din ‘to, lumang bahay din po,” pahayag ni Mayor Michael Lim Orayani.
Sa huling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 32 ang aftershock na naitala matapos ang lindol. RNT/JGC