Home OPINION CALOOCAN POLICE, IHIHIWALAY NA SA NORTHERN POLICE DISTRICT

CALOOCAN POLICE, IHIHIWALAY NA SA NORTHERN POLICE DISTRICT

SA laki ng populasyon at lawak ng lugar na sakop ng Caloocan City, hindi talaga maiaalis na mahirapan ang puwersa ng  pulisya na tuluyang masugpo ang iba’t-ibang uri ng kriminalidad, lalo na ang paglaganap ng iligal na droga.

Nahahati kasi sa magkahiwalay na direksiyon ang naturang lungsod na ang isa ay nasa bahaging Hilaga o North Caloocan at ang isa ay sa bahagi ng South Caloocan o Timog kaya’t kailangang magkaroon ng karagdagang tanggapan o annex ang City Hall upang hindi mahirapan ang mga residente ng North Caloocan na may transaksiyon sa lokal na pamahalaan.

Nasa naturang lungsod din ang pinakamalaking barangay sa buong Pilipinas, ang Barangay 176 Bagong Silang sa North Caloocan kung saan may mataas na antas ng nangyayaring krimen.

Dito kasi sa lugar na ito nagtayo ng housing projects noon ang national government na naging relokasyon ng libo-libong informal settlers sa mga kalapit lungsod kaya’t lumobo nang husto ang populasyon sa lugar.

At dahil sa laki ng populasyon at lawak ng land area ng Caloocan, swak na swak na sila na magkaroon ng isang distrito ng pulisya tulad ng Manila Police District at Quezon City Police District.

Sa katunayan, noong panahong maigting ang kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga, sa Caloocan City mayroong pinakamaraming insidenteng naganap na pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa droga.

Di nga ba’t nasentensiyahan pa ang ilang mga pulis sa pagpatay sa 17-anyos na si Kian Delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo De Guzman noong taong 2017 sa kasagsagan ng Duterte Drug War? Dahil sa laki ng sakop na lugar ng pulisya at dami ng populasyon, isinulong ng mga naging Chief of Police ng lungsod na magkaroon ng sariling distrito rito upang madagdagan ang kanilang puwersa at magkaroon din ng dagdag na units o tanggapan na tututok sa ibat-ibang uri ng krimen.

Sa ngayon, sinabi ni Caloocan City Police chief P/Col. Ruben Lacuesta na paborableng desisyon na lang ng National Police Commission ang kailangan para maihiwalay sa Northern Police District ang Caloocan police para maging Caloocan City Police District.

Naglagak na rin kasi ng malaking pondo sina Mayor  Dale Gonzalo “Along” Malapitan at amang si Caloocan City 1st District Rep. Oscar “Oca” Malapitan para maitayo ang apat na palapag na gusali sa Samson Road sa Sangandaan na tinupok ng apoy noong Nobyembre, 2019 na magiging punong himpilan ng CCPD.

Marami ang humahanga sa kakayahan ni  Lacuesta bilang COP ng Caloocan City Police Station dahil sa panahon niya, naging Best Police Station pa nga ang CCPS at may pinakamarami ring naarestong wanted persons, drug pushers at nakakumpiska rin ng malaking bulto ng shabu.

Kapag nagkataon, malamang na ma-promote si Lacuesta bilang Brigadier General kapag siya pa rin ang napiling director dahil ganito ang dapat na maging ranggo ng mga nagiging director ng bawa’t police district sa Metro Manila.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

Previous articlePHILHEALTH BAYAD NA SA PHP50 BILLION NA UTANG NITO
Next articlePatay sa malagim na DavOr landslide umakyat na sa 90