Home NATIONWIDE Cancer Fund para sa OFWs suportado ni Sen. Go

Cancer Fund para sa OFWs suportado ni Sen. Go

301
0

MANILA, Philippines- Nagpahayag ng buong pagsuporta si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa mungkahi ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na magtatag ng endowment fund para sa cancer-stricken overseas Filipino workers (OFWs).

Ang inisyatiba ay bilang pag-alala sa yumaong kalihim ng Migrant Workers na si Ma. Susana “Toots” Ople, isang masugid na tagapagtaguyod para sa kapakanan ng OFWs at namatay kamakailan habang nakikipaglaban sa breast cancer.

Samantala, ang suporta ni Go para sa Cancer Assistance Fund (CAF) ay kumakatawan sa matatag na pangako mula sa kanyang mga nakaraang pagsisikap na palakasin ang CAF. Sa mga deliberasyon ng badyet para sa 2023 General Appropriations Act (GAA), naging instrumento si Go na mabigyan ng P500 milyong alokasyon ang CAF sa ilalim ng Department of Health.

Noong una, sa proposed budget para sa 2023 ay walang alokasyon para sa CAF. Gayunpaman, kapwa ang Kapulungan ng mga Kinatawan at ang Senado ay nakapagdagdag ng malaking halaga para pondohan ang programa.

“I am always one with you in the fight against this disease,” sabi ni Go.

“In fact, during the budget deliberations last year, I pushed for an additional budget for the cancer assistance fund to subsidize the cost of cancer treatment, including the needed diagnostics and laboratory tests,” dagdag niya.

Sa darating na 2024, target ni Go na madoble ang kasalukuyang alokasyon sa CAF upang higit pang palawigin ang tulong sa mas maraming cancer patients. Ito ay alinsunod sa National Integrated Cancer Control Act (NICCA), sa ilalim ng Republic Act No. 11215, na kinabibilangan ng CAF bilang isang mahalagang bahagi.

Tinitiyak ng Seksyon 20 ng NICCA na ang mga pasyente ng kanser ay magkaroon ng access sa libreng tulong pinansyal para sa iba’t ibang pangangailangan, kinabibilangan ng screening tests, specialized treatments, diagnosis, palliative care, at medications.

Bukod sa CAF, naging puwersa rin si Go sa likod ng nilagdaan kamakailan na RA 11959 o ang Regional Specialty Centers (RSC) Act, na pangunahin niyang itinaguyod at isa sa nag-akdasa Senado.

Ang bagong batas ay lilikha ng mga karagdagang specialty center sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang cancer centers upang matiyak na ang mga Pilipino ay may access sa mga espesyal na serbisyong medikal nang hindi na kailangang maglakbay sa Maynila.

“Prayoridad ko po bilang chairman ng Committee on Health ito pong pagtatayo ng regional specialty center. Maglalagay po ng mga specialty center sa mga DOH regional hospital sa buong Pilipinas,” ani Go.

“Ito ay isang multiyear plan po. Halimbawa, kung may problema sa heart, kidney, lung, neonatal, mental, ito pong mga ortho sa mga may karamdaman sa buto, cancer. Ilalagay na po sa lahat ng DOH regional hospital sa buong Pilipinas para mailapit po natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Go.

Sinabi ni Go na hindi lamang nito pinupunan ang umiiral na CAF kundi pinahuhusay din ang pangkalahatang imprastraktura ng pangangalagang pangkalusugan.

Ang mga pagsisikap ni Go sa healthcare ay hindi naging lingid sa taongbayan kaya naman nakatanggap siya ng pagkilala mula sa ilang organisasyon, kabilang ang Philippine Cancer Society at Philippine Society of Oncology.

“Ang laban kontra sa kanser ay laban nating lahat. Patuloy tayong magkaisa para maabot ang ating pangarap na maging cancer-free ang ating bansa,” idiniin ni Go. RNT

Previous articleEx-cop sa viral road rage, ginisa ni Bato sa Senate probe: ‘Di ka mamamatay dito’
Next articleQCPD Change of Command

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here