Home METRO Caretaker ng junkshop patay sa sunog sa Laguna

Caretaker ng junkshop patay sa sunog sa Laguna

MANILA, Philippines – BANGKAY na nang matagpuan ang isang driver/caretaker sa naganap na sunog sa isang bodega o junkshop sa Quezon St. Barangay Cuyab sa lungsod ng San Pedro, Laguna.

Kinilala ang nasawi na si John Eric Jholanco 26, driver/caretaker ng nasabing bodega kung saan natagpuan ang biktima dakong 4:30 ng madaling-araw matapos maapula ang apoy.

Ayon kay PSgt. Erazo Jr., nagsimula ang apoy alas-11:50 gabi ng Sabado, Hunyo 22 sa bodega na naglalaman ng mga stock computers, aircon at iba pang light materials.

Napag-alaman na bago naganap ang sunog ay nakikipag-inuman ang biktima at kapatid nito sa nasabing lugar kung saan matapos ang inuman ay nagpasya ang kapatid ng biktima na umuwi at iniwan nito si Jholanco (biktima) na lasing na rin, subalit sa halip matulog ay nakaramdam ng pagkagutom ang biktima.

Nabatid sa ulat na nagpasyang magluto ang biktima kung saan umano ay naiwan ng biktima na nakabukas ang stove na hinihinalang ito ang naging dahilan ng pagsabog ng gas stove na humantong sa pagkasunog ng naturang bodega /junkshop at ikinasawi ng driver/caretaker.

Samantalang tinatayang humigit kumulang sa P7 milyon ang halagang napinsala sa sunog kung saan walang naiulat na sugatan bukod sa nasawing biktima. Ellen Apostol