Home NATIONWIDE Cargo ship sa Greece, lumubog!

Cargo ship sa Greece, lumubog!

GREECE – Lumubog ang isang Comoros-flagged cargo ship na may sakay na 14 na katao malapit sa isla ng Lesbos dahil sa malalakas na hangin at alon, ayon sa Greek coastguard nitong Linggo, Nobyembre 26.

Dahil dito ay kinailangang isagawa ang isang major rescue operation kung saan sinagip isa-isa ng navy helicopter ang mga crew member ng RAPTOR cargo ship.

Limang cargo ships, tatlong barko ng coast guard, air force at navy helicopters kasama ang navy frigate ang nagtulong-tulong para sa rescue effort.

Sinabi ng mga awtoridad na ang naturang cargo ship, na may kargang 14 crew members at mga asin, at lumubog 4.5 nautical miles timog-kanluran ng Lesbos.

Naglayag ang barko mula Dekheila, Egypt at patungong Istanbul.

Ayon sa Athens News Agency (ANA), ang operating company ng barko ay naka-base sa Lebanon, at may sakay na dalawang Syrian nationals, isang Indian, at 11 Egyptians.

Sa ulat, nakaranas ng mechanical failure bandang alas-7 ng umaga ng Linggo ang barko.

Pagsapit ng 8:20 ng umaga, iniulat ng kapitan na ang barko ay tumatagilid, at nagbitaw na ng “mayday” distress signal bago nawala sa radar.

Pinaniniwalaang malakas na alon ang dahilan ng paglubog ng barko.

Sa babala naman ng Hellenic National Meteorological Service (EMY), lumalapit patungong Greece ang bagyong Oliver. RNT/JGC

Previous articleAmnesty sa CPP-NPA-NDF ibinigay sa tamang panahon – AFP
Next articleAmnesty ni PBBM malugod na tinanggap ng MILF