MANILA, Philippines – NATAGPUAN ang cartridge ng isang pampasabog ng isang mangingisda habang naghahanap ito ng mga scrap sa Navotas City, kahapon ng umaga, Setyembre 23.
Sa ulat nina PSSg Billy godfrey Aparicio at PCPL Dylan Renon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, dakong alas-7:30 ng umaga nang matagpuan ang isang cartridge 60mm high explosive sa loob ng Domar Compound sa Bagong Silang St., Brgy., San Jose.
Batay sa salaysay ni Lito Del Pilar, 43, mangingisda at residente sa naturang lugar, habang naghahanap siya ng scrap sa loob ng nasabing compound nang makita niya ang naturang item.
Kaagad ipinaalam ni Del Pilar ang natagpuan sa mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 na nagpapatrulya sa nasabing lugar na sila namang humingi ng tulong sa Explosive Ordnance Disposal (EOD).
Rumesponde naman sa nasabing lugar ang mga tauhan ng EOD sa pangunguna nina PSSG Albin Alvearne at PSSg Eduard Daza saka inalis ang nasabing pampasabog para sa sàfekeeping bago ang disposal nito. Boysan Buenaventura