MANILA, Philippines – Exempted na sa election spending ban ang pagbabayad ng cash aid sa rice retailers, ayon sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec).
Nakatakda kasing ipagbawal ng Comelec ang paggamit ng mga pampublikong pondo para sa mga programa ng gobyerno tulad ng mga proyekto sa kapakanang panlipunan sa panahon ng eleksyon sa Setyembre 15 hanggang Oktubre 30.
Sa inilabas na desisyon nitong Martes, inaprubahan ni Comelec Chairman George Garcia, sa rekomendasyon ng law department ng komisyon, ang kahilingan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa exemption sa cash subsidy para sa mga small-scale retailer para mabayaran ang pagkalugi mula sa price ceiling sa bigas sa ilalim ng Executive Order 39.
Sa liham kay Garcia, inirekomenda ng law department na ang DSWD bilang implementing agency ay pinapayagan gumamit ng public funds para sa “ongoing and possible early recovery and rehabilitation efforts that are not considered as ‘relief and other goods’ under Section 9 of Comelec Resolution No. 10944.”
Sa Palace briefing noong Martes, sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na ang ahensya ay nagsusumikap upang makumpleto ang payout sa highly-urbanized cities at rehiyon sa Setyembre 14.
Sinabi ni Gatchalian na sinimulan ng gobyerno ang pagbabayad sa P15,000 cash grant noong Sabado. Ang pera ay nagmula sa unobligated budget ng DSWD na hindi bababa sa P5.3 bilyon, sabi ni Gatchalian.
Sa ngayon aniya, nakinabang na ng subsidiya ang 474 rice retailers sa San Juan City, Caloocan City, Quezon City, Paranaque, Navotas, at Zamboanga del Sur sa kabuuang P7.5 milyon.
Binanggit ni Gatchalian ang inisyal na listahan mula sa Department of Trade and Industry (DTI), na saklaw ang programa ang 5,942 small rice retailers sa public at private markets na may business permits at/o DTI o Securities and Exchange Commission registration.
Ayon sa kalihim , ang mga retailers sa labas ng mga pamilihan ay isasama sa ikalawang yugto at idinagdag na ang DTI ay nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya at pribadong sektor upang makabuo ng isang listahan.
Sinabi naman ni DSWD spokesperson Romel Lopez sa CNN Philippines’ The Source na ilang mga retailer ay walang kamalayan sa programa, kahit na ang mga awtoridad ay nagtatrabaho sa isang information campaign at nakikipag-ugnayan sa mga market master.
Dagdag pa ni Lopez na ang DTI at DSWD ay nag-validate din sa mga benepisyaryo. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)