Home METRO Cash, mga alahas ng negosyante tinangay ng 4 na nagpakilalang PDEA agent

Cash, mga alahas ng negosyante tinangay ng 4 na nagpakilalang PDEA agent

MANILA, Philippines – APAT na hindi nakikilalang lalaki na pawang armado ng baril ang sumalakay sa bahay ng isang negosyante matapos na magpakilalang mga miyembro ng PDEA na tumangay ng halagang P628,000.00 cash, alahas at cellphones kagabi sa B5 L28-29 JML 3 Barangay Sinalhan sa lungsod ng Sta. Rosa, Laguna.

Batay sa inisyal na report ng Sta Rosa City Police Station, dakong alas-9:25 ng gabi ng Sabado, Hunyo 29 habang ang biktimang si Nino Ami Amoranto Marfil, 46, negosyante, na kasalukuyang nasa loob ng kanyang tahanan kasama ang pamilya nito nang biglang dumating ang apat na hindi nakikilalang suspek at nagpakilala umanong mga miyembro ng PDEA kung saan hinahanap ang kapatid na babae ng biktima na si Marilou.

Kasunod nito ay dinala sa isang kuwarto ang biktima at pamilya nito.

Napag-alaman na, nang hindi makita ang kapatid ng nasabing negosyante (biktima) ay nagawang halughugin ng mga suspek ang bahay ng biktima at tinangay ang perang cash na halagang P628,000, iba’t ibang klase ng alahas at dalawang cellphone kung saan matapos na makuha ang pakay ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng isang kulay pulang Toyota Vios, patungo sa hindi matukoy na direksyon.

Ang mga suspek na kapwa armado ng hindi matukoy na baril at nakasuot ng kulay itim na Jacket, facemask, black cap at isa sa mga ito ay nakasuot ng crocs slipper na may mga taas na 5’7 at 5’9 ang mga suspek samantalang patuloy ang manhunt operation ng Sta Rosa City Police Station para sa agarang ikadakip ng apat na suspek. Ellen Apostol