Home NATIONWIDE Castro tatakbo sa Senado sa 2025 poll

Castro tatakbo sa Senado sa 2025 poll

MANILA, Philippines – Plano ni ACT Teachers party-list Representative France Castro na tumakbo sa Senado sa eleksyon sa susunod na taon.

Kasabay ng selebrasyon ng 42nd anniversary ng Alliance of Concerned Teachers, binasa ng mga retiradong guro ang isang liham na humihiling kay Castro na tumakbo sa 2025 senatorial elections.

“Matunog sa social media ngayon ang pangalan mo bilang alternatibong kalihim ng DepEd matapos ang pagbibitiw ni Sara Duterte na tanda ng ganap na pagguho ng pekeng uniteam. Alam namin na kayang-kaya mo ang trabahong yon pero wala tayong maaasahang espasyo para sa mga nais na pagbabago sa larangang yon dahil obligasyon ng kalihimn ng ahensiya ang maging alter ego ng pangulo,” saad sa liham.

“Sa halip, nakikita namin na mas nababagay ka sa bulwagan ng Senado. Itaas pa natin ang larangan ng pakikisangkot sa larangang elektoral sa pamamagitan ng pagdadala ng tinig ng teacher siyempre sa Senado. Panahon na para magkaroon ng senadora na isang classroom teacher,” pagpapatuloy nito.

Tumugon si Castro sa pagsasabing, “Tinatanggap ko po ang hamon.”

Sa ambush interview, inilahad ni Castro na plano ng Makabayan Coalition ang full slate sa 2025 senatorial elections.

“Siyempre nagpaplano ang Makabayan coalition ng alternative slate. Pinaplano na rin na magbubuo ang Makabayan coalition ng 12 candidates ng Makabayan dahil nakikita naman natin ngayon, Duterte-Marcos lang ang puwedeng pagpilian,” ani Castro.

Sinabi rin niya na bukas siya sa pakikipag-usap sa ibang mga partido politikal sa eleksyon.

“Sigurado ‘yan na magkakaroon tayo ng pakikipag-usap, pakikipag-alyansa doon sa ilang mga partido na may the same na prinsipyo katulad ng Makabayan. Hindi namin inaalis ‘yung option na ‘yon,” dagdag pa niya.

Ang desisyon ni Castro ay kasunod ng posibilidad na tumakbo rin sa Senado sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kapatid ni Vice President Sara Duterte na sina Davao City 1st district Representative Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte.

“Dine-denounce namin itong sinasabing mga pamilyang Duterte na tatakbo sa Senado. Hindi naman family affair ito. At hindi naman family enterprise ang Senado. It is a commitment. Ano ba ang maio-offer nila sa taumbayan? Tingnan na lang natin ‘yung mga track record ng mga Duterte. So kami piniprisinta namin ang aming slate, ang Makabayan, ako bilang kandidato, talagang magiging tunay na kinatawan ng ating mga mamamayan, tunay na magtatrabaho sa kabutihan ng ating mga kababayan,” sinabi ni Castro.

Nitong Miyerkules, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na maaaring tumakbo sa eleksyon ang sinumang kwalipikado.

“It’s a democratic nation that we live in so any Filipino has the right to, provided that they have the proper qualifications to seek for higher office,” sinabi ni Romualdez. RNT/JGC