Home NATIONWIDE Catapang lilikha ng ‘barrio’ sa mga PDL, pamilya nito

Catapang lilikha ng ‘barrio’ sa mga PDL, pamilya nito

MANILA, Philippines – Plano ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na gumawa ng mga bario kung saan ang persons deprived of liberty (PDLs) ay papayagang manirahan kasama ng kanilang mga pamilya sa nalalabing taon ng kanilang sentensya.

Ayon kay Catapang, ang mga PDL na mayroon na lamang tatlo hanggang limang taong nalalabi sa kanilang sentensya ay papayagang manirahan sa Bario Libertad, target ng BuCor na maitayo na nasa paanan ng bundok sa Barangay Iwahig,
Puerto Princesa, Palawan.

Aniya, mayroon nang inisyal na 20 hanggang 30 PDLs ang napili para rito.

“Kaya may Barrio Libertad. Together with their families, they will be staying at the foot of the mountain, they will reforest it, or they will — magtanim sila ng bamboo, for carbon trading, magtanim sila ng coconut,” pahayag ni Catapang sa panayam.

Sinabi pa ng opisyal na ito ay magiging “game changer” at magsisilbing “model for the whole world.”

“Imagine, kasama mo na agad, where in the world meron kang nakitang nakakulong kasama pamilya. It will really be a game changer,” ayon pa kay Catapang.

Tinukoy na rin ng BuCor ang mga lugar kung saan itatayo ang barrio.

Umaasa naman siya na makukumpleto na ito bago matapos ang taon.

Samantala, sinabi rin ni Catapang na plano niyang magtayo ng isang barangay para sa mga PDL na nakumpleto na ang kanilang sentensya, sabay-sabing nais niyang kunin ang mga ito para magtrabaho.

“Papagawa natin silang housing project. For those who are lalaya and want to make a new life. Kasi ang hirap na nila ibalik sa society. Minamarkahan kaagad sila,” aniya.

“Pero kung nandito na sila, ayun na ‘yung trabaho nila, nag tatanim, nag aalaga ng hayop, whatever, nag aano ng factory pag laya nila may bahay sila outside the parang controlled area, may village na sila, no, and they can still work,” dagdag pa ni Catapang. RNT/JGC

Previous articleDMW kinastigo sa pagbibigay ng ‘false hope’ sa 10k OFWs sa Saudi
Next articleIdinepositong barya sa coin deposit machines ng BSP umabot na sa P37.5M