MANILA, Philippines – Nagsagawa ng isang online survey ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) kaugnay sa muling pagpapatupad ng mandatory Reserve Officers Training Corps o ROTC.
Batay sa resulta ng survey, karamihan ng mga estudyante ng mga pribadong Catholic schools ay tutol sa implimentasyon ng ROTC.
Ginanap ang naturang survey mula Abril 3 hanggang 24 ng CEAP sa kanilang mga miyembrong paaralan, lumalabas na 53% ng mga estudyante ay tutol sa pagbabalik ng ROTC, habang 27% ang payag dito.
Nasa 19% naman ang atubili kung gusto ba nila o hindi ang sapilitang pagpapasailalim sa kanila sa ROTC.
Ayon CEAP, nasa kabuuang 20,461 ang respondents sa naturang survey. Sa naturang bilang, 30% o 6,166 ang mga nasa kolhiyo na habang ang nalalabing 70% ay mga senior high school students.
Layon umano ng kanilang survey ang makuha ang kabuuang opinyon ng mga mag-aaral sa panukalang pagbuhay sa mandatory ROTC bill na nasa Kongreso ngayon at matukoy ang posibleng mga impluwensya nito sa edukasyon, values at kinabukasan ng mga bata.
Matatandaan na ibinasura ang mandatory ROTC program noong 2001 makaraan ang brutal na pagpaslang sa UST student na si Mark Welson Chua, na nagbunyag ng umano’y korapsyon sa loob ng ROTC unit at naghain ng kaso laban sa kanyang mga superiors. Jocelyn Tabangcura-Domenden